Abakada ng pagboto

May 8, 2022

Isang bagong umaga ang nag-aabang sa first-time voter na si Danielle Lallamant, isang kolehiyala mula sa isang pamantasan sa Maynila. Sa loob ng 20 taon, ito marahil ang kaniyang pinaka-aabangan na araw upang tuparin ang kaniyang tungkulin sa bayan.

“Pag-gising siyempre mag-aalmusal muna ako,” banggit ng dalaga. “Mag bibihis na agad ako para makapunta agad sa (poll) precint,” dagdag niya.

Para sa halalan ngayong taon, tinatayang nasa 7-milyon ang mga bagong botante habang anim sa bawat sampung Pilipino ang nasa edad 18-41.  

Ngunit sa araw mismo ng halalan, hindi lang tindi ng init ang kakaharapin ng tulad ni Danielle kundi ang kaayusan na nag-aabang sa mga presinto. Naririyan ang paghahanap ng kuwarto kung saan ihuhulog ang mga balota, ang pag-sabak sa mahabang pila bago makapasok sa presinto, at bukod sa mga ito, ay ang mga tambak na basura nasa paligid, ang mga nagkalat na pinagkainan o inumin sa labas ng mga presinto, at maging ang mga tinapon na mga food packs ng mga poll watchers, election officers at iba pang volunteers sa loob mismo.

Bukod pa rito ang mga election-related materials na ginamit sa panahon ng kampanya gaya ng mga posters na nakadikit sa mga pader, poste ng kuryente at maging sa mga puno at mga pampleta, fliers’ o sample ballots na kadalasan ay hindi naman talaga nagagamit ng mga botante. Marahil, Isa ang panahon ng halalan sa mga nagdudulot ng pinakamaraming basura sa ating bansa. 

Sa ulat na inilabas ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nuong 2019, tinatayang nasa 21,700 na piraso ng mga election-related materials ang nakolekta ng ahensya matapos ang araw ng halalan nuong ika-13 ng Mayo, 2019, samantalang nasa 134,700 naman ang kanilang nakuha mula sa “Oplan Baklas,” na kung susumahin lahat, ay aabot sa 168.84 na tonelada ng mga basura dito lamang sa kamaynilaan. 

Upang makatulong sa kapaligiran ngayong halalan, kailangan natin tandaan ang step-by-step o A-BA-KA-DA ng makakalikasang pag-boto. 

A – Alamin ang mga ibobotong kandidato

Bago pa man tayo pumunta sa presinto, inaabiso ang pagdadala ng listahan ng mga napupusuan ng mga kandidato upang hindi na magdagdag pa ng mga sample ballots na nauuwi lamang sa pagdami ng mga basura. Sa inilabas na pahayag ng makakalikasang grupo na EcoWaste coalition, inanyayahan nito ang mga botante na ihanda na ang kanilang mga kodigo upang makabawas ng kalat sa paligid.

“Aside from choosing pro-people and pro-environment candidates, we urge voters to shun ‘sample ballots’ and not to litter them anywhere,” ayon kay Aileen Lucero, national coordinator ng grupo.

B – Bumoto ng Kandidatong Makakalikasan

Sa pag-pasok natin sa mga presinto para mag-halal ng mga bagong lider, huwag lang sana natin isipin ang mga kandidatong may mga matatamis na salita para iahon tayo sa kahirapan, o ang mga nangangako ng mga proyektong hindi na bago sa atin. Higit sa mga karaniwang isyu na kinakaharap ng sambayanan gaya ng pandemya, gutom at kahirapan, ay ang katarungang pang-klima na madalas ay hindi binibigyang pansin ng mga kandidato. 

Ano ang kanilang mga programang pangkalikasan? Nakita ba sa mga kandidato na ito ang pagiging makakalikasan sa panahon ng kampanya? Sumunod ba sila na huwag magkalat ng election posters kung saan saan? Mayroon ba silang plataporma upang matugunan ang problema sa klima sa kanilang nasasakupan? 

Sa bawat boto na inilalagay sa balota ay isang pag-kilos para bigyang solusyon ang mga problema natin sa kapaligiran.

K – Kalat ay Iwasan

Sa pagpunta ng presinto, naririto marahil ang mahabang pila kung saan hindi maiiwasan ng mga botante ang mag bitbit ng kaunting pagkain o inumin para hindi na lumabas pa. Bagamat praktikal ang magdala ng pagkain para hindi na gumastos pa, alalahanin natin na ang mga balat o bote ng mga pagkain o inumin ay dapat itapon sa tamang basurahan. 

Inaanyayahan din ang mga botante na magdala ng kanilang mga tumbler, dahil ang mga plastic bottles ay pinanggagalingan din ng polusyon na nakasisira sa kalikasan. Kung ang mga botante ay mapapa-alalahanan sa ganitong gawain, marahil nailigtas natin ang kalikasan mula sa libo-libong botelya ng plastic na maaaring makolekta sa loob lamang ng isang araw.

D – Dalhin ang basura kung walang tamang tapunan

At kung sa pag-labas naman ng presinto ay makahanap ng makakainan o malamig na inumin, dala na rin marahil pagod o matinding init. Gaya ng nasabi na natin, huwag magtapon kung saan saan, at kung wala naman tamang basurahan sa tabi, ay mabuti pang dalhin nalamang ang pinagkalatan hanggang sa makakita ng tamang basurahan.

Paalala naman ni Christian Kim Dovibar ng Ecolody Desk ng Diyosesis ng San Carlos, ang halalan ay isang pagkakataon para gampanin ng bawat mamamayan ang tungkulin nito na mahubog ang kinabukasan. Ngunit hindi dapat nito hadlangan ang pananagutan natin sa kalikasan. 

“It should be part of our commitment as responsible voters to be also responsible with our wastes and materials,” ani Dovibar

“As we fulfill our responsibility to our country, may we never forget our role to our common home,” aniya.

Samantala, upang makatulong na rin sa pagbabawas ng basura sa halalan, tiniyak naman ni Lallamant, na sa halip na pagkain o botelya ng inumin, magdadala na lamang ito ng kodigo, at maglakad nalang patungong presinto.

“Balak ko magdala ng kodigo,” banggit ni Lallamant, “lakad lang ako, malapit lang naman yung precint,” dagdag pa niya. 

Related Articles

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published.

Pin It on Pinterest

Share This