Mangingisda ng Aparri umapela sa mga mahahalal na kandidato

May 4, 2022

Nanawagan sa mga mahahalal na lider ng pamahalaan ang mga mangingisda sa Cagayan na bigyang pansin ang kanilang kasalukuyang kalagayan

Sa isang press conference na isinagawa nitong Martes, ilang araw bago ang halalan, iginiit ng mga lokal na mangingisda sa pamahalaan ang pagpapatigil ng dredging activities na diumano’y ginagawa lamang na dahilan upang magbigay daan sa isinasagawang black sand mining na nagdudulot ng pasakit sa kanilang kabuhayan.

Anila, nagsimula ang nasabing aktibidad na “hindi kinokonsulta” ang mga mangingisda at walang “tapat na paliwanag” tungkol sa isinasagawang “River Restoration Project”

“Nagsusumamo kami sa lahat nga sektor ng lipunan na itigil ang operasyon ng proyekto ng dredging dito sa Aparri,” ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Edison Palattao.

“Nananawagan kami sa susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas na mag-utos ng masusing imbestigasyon ukol sa black-sand mining na nagbabalat-kayo bilang river dredging, at mag-issue ng executive order na magpapahinto ng naturang mga operasyon dito sa Cagayan,” dagdag pa niya.

Ayon sa Kura Paroko ng San Pedro Telmo Parish na si Fr. Manuel Catral, bagamat may kaukulang mga permit ang isinasagawang “River Restoration,” hindi ito tumutugon sa problema ng pagbaha sa ilang bahagi ng probinsya.

“The practice of dredging is in the guise of the black sand mining,” ayon kay Fr. Catral. “Those behind the dredging of black sand mining have no regard for life and unending pleas of the people of Cagayan,” dagdag pa ng pari.

Idinadaing naman ng isang fish vendor na si ginang Marlyne Bugarin ang hirap na kanilang dinadanas simula ng magsimula ang proyekto sa Aparri. Aniya, “pahirap ng pahirap,” ang kanilang buhay dahil sa kakaunting isda na kanilang nakukuha.

“Paano na po ang kinabukasan ng mga anak namin? kulang na kulang na po ang naihahanda namin sa hapag kainan namin mula nuon,” daing ni Bugarin

“Masakit po bilang isang ina, yung mga anak mo hindi mo maibigay lahat ng kanilang pangangailangan, nanawagan kami sa lahat ng ahensya ng gobyerno, maramdaman po ninyo kung ano ang mga hinaing namin,” dagdag pa niya.

Iginiit naman ng lokal na pamahalaan ng Aparri na hindi sapat ang isang araw na imbestigasyon ng Department of Environment and Natural Resources o DENR upang sabihin na walang nagaganap na black sand mining operations sa kanilang lugar.

“Yun pong nangyari na pumunta ang DENR dito, sa tingin namin ay hindi enough yung isang araw na ginugol nila para mag imbestiga, magtanong, para sabihin kaagad na wala pong black sand mining,” giit ni Atty. Jing Tadili, Municipal Administrator ng Aparri.

“Nagtanong lang naman sila, hindi nga nila tinignan kung ano ang proseso na ginagawa duon sa site na pinagkukuhaan ng sand materials,” dagdag pa ni Tadili.

Nitong ika-22 ng Abril lamang, isinagawa ng tinatayang 1,700 mga indibidwal mula sa 12 barangay ang kilos-protesta sa Cagayan upang tutulan ang nasabing proyekto at black sand mining. 

Panawagan ng mga mangingisda sa mga botante, “iboto ang mga pinuno na may malasakit at handang pangalagaan ang kalikasan at kabuhayan.”

“Nananawagan kami sa mga botante na iboto natin ang mga pinuno na nagmamalasakit sa atin, ang mga pinuno na hindi sang-ayon sa dredging at black sand mining, at gagawin ang lahat upang protektahan ang ating ilog, mga karagatan, kabuhayan at pamilya,” ayon kay Palattao. 

Related Articles

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published.

Pin It on Pinterest

Share This