Presidential aspirants inaasahang tutugon sa ‘Green Scorecard’

March 7, 2022

Pormal na inilunsad ng mga maka-kalikasang grupo ngayong araw ang 2022 Green Scorecard na naglalayong alamin ang tindig ng mga kandidato sa pangangalaga sa kalikasan at pagtugon sa climate crisis. 

“Bukod sa nais nating malaman ang kanilang mga policies sa iba’t-ibang environmental issues, gusto din natin malaman kung naiintindihan ba nila ang science behind the environmental and climate crises,” ika ni Jaybee Garganera, convener ng Green Thumb Coalition (GTC).

Ang Green Thumb Coalition ay ang pinakamalaking network ng mga environmental and human rights organizations sa Pilipinas na itinayo noong December 2015. 

Hangad ng Green Scorecard na makita ang mga partikular na tugon ng mga kandidato sa mga isyung pangkalikasan at mga polisiyang nais nilang ipatupad kung sila ay mananalo. 

Ipinaliwanag ni Anj Dacanay ng Bantay Kita na magpapadala ng mga katanungan ang GTC sa mga kandidato para sa national elections hinggil sa siyam na thematic agenda ng mga environmental organizations. 

“Magsisimula ngayong araw, Marso 7, ang pagpapadala ng mga sulat sa mga kandidato kalakip ang mga questionnaires na inaasahan naming sasagutin nila at ipapadala pabalik sa amin sa Marso 28,” ika ni Dacanay. 

Kasama sa mga tanong para sa mga kandidato ay tungkol sa sumusunod na usapin:

  1. Biodiversity Preservation and Ecosystem Integrity
  2. Energy Transformation and Democracy 
  3. Climate Justice
  4. Natural Resources, and Land Use Management and Governance 
  5. sustainable agriculture
  6. waste management
  7. upholding human rights and integrity of creation
  8. mining, extractives, and mineral resource management 
  9. people-centered sustainable development

Bibigyan ng grado ang mga kandidato batay sa mga pinadala nilang kasagutan. Magsasagawa rin ng “profiling and background check” ang GTC na kikilatis sa education background, work ethics, at advocacies ng mga tumatakbong politiko.

“Bahagi din ng ating pag-score sa kanila ay ang kanilang mga policy and program pronouncements na madalas nating marinig tuwing mayroong presidential and vice-presidential debates or media interviews,” dagdag ni Dacanay.

Maliban dito, kikilatasin din ng GTC kung ang mga kandidato ay may direkta at hindi direktang ugnayan sa mga kompanya, korporasyon, o institusyong nagtutulak ng mga programang mapanira sa kalikasan tulad ng mining, dams, coal, at iba pa.

“Intensyon natin na makita ang plataporma ng mga kandidato pero gusto din natin silang impluwensyahan na dapat nasa unahan ng kanilang mga plano ang pangangalaga sa kalikasan,” ika ni Garganera.

Ipinaliwanag ni Atty. Aaron Pedrosa ng Sanlakas na kung sakaling mag decline o umatras ang kandidato sa pagsagot sa mga tanong, “kasama pa rin siya sa bibigay ng score at sa buong proseso ng 2022 Green Scorecard.”

Hinikayat ni Pedrosa ang mga kandidato lalo na ang mga nagnanais na maging pangulo at ikalawang pangulo ng bansa na tumugon sa pagkakataong marinig sila ng mga mamamayan.

“Pagkakataon ito para sa mga kandidato na malinaw ang kanilang posisyon. It is a loss for them if they do not respond… By not responding, it is an unfortunate sign na hindi nila sineseryoso ang usaping kalikasan,” sabi ni Pedrosa.

Sa mga kandidato bilang pangulo, si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang may pinakamaraming tinanggihan at iniiwasan na panayam at debate. 

Hindi dumalo si Marcos Jr. sa interview ng batikang mamamahayag na si Jessica Soho at tumanggi rin itong magpakita sa presidential debate na itinaguyod ng CNN Philippines. 

Pinaalala ni Rodne Galicha ng Living Laudato Si Philippines sa mga kandidato na “hindi neutral ang mga environmental at human rights organizations” ngayong darating na eleksyon.

“Patuloy ang aming pagboto para sa kalikasan. Susuportahan ng mga maka-kalikasang grupo at mga komunidad ang kandidatong ipaglalaban ang kalikasan at ipagtatanggol ang karapatan ng mga vulnerable sectors,” dagdag ni Galicha. 

Nakatakdang ilabas ng GTC ang resulta ng Green Scorecard sa Abril 8, isang buwan bago ang halalan sa Mayo para matulungan ang mga botante na magpasya kung sino ang iboboto. 

END

Related Articles

Laudato Si course ilulunsad sa Maynila

Laudato Si course ilulunsad sa Maynila

Ilulunsad sa susunod na Linggo ng Ministry of Ecology ng Arkdiyosesis ng Manila ang Laudato Si’ Course na magbibigay daan sa mga mananampalataya na unawain ang nilalaman ng dokumentong Laudato Si’.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published.

Pin It on Pinterest

Share This