SMC hinikayat na lisanin ang maduduming proyekto

June 16, 2022

Sinalubong ng kilos-protesta ang isinagawang taunang stockholders meeting ng San Miguel Corporation sa Mandaluyong upang tutulan ang plano ng kumpanya na palawakin ang mga fossil at liquefied natural gas projects nito.

Sa isinagawang programa na pinangunahan ng Power for People Coalition (P4P) at ng Protect Verde Island Passage (Protect VIP), nanawagan ang grupo na ibaling ng korporasyon ang kanilang proyekto sa mga malilinis na pagkukunan ng kuryente

“Umaabot ng 14,000 megawatt ang planong itayo ng San Miguel Corporation upang lumikha ng kuryente sa mga planta, na patuloy na magdadagdag sa paglala ng tinatawag nating Climate Change,” ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Valentino De Guzman nitong Martes, ika-14 ng Hunyo.

“Pangunahin pa pong pagtutol natin, ang lahat po ng fossil gas na gagamitin sa mga itatayong planta ng San Miguel ay imported, at kung paano natin nakikita na sumisirit ang presyo ng krudo at gasolina, ganoon din sisirit ang presyo ng fossil gas,” dagdag pa niya.

Ayon sa isang ulat nitong Marso lamang, pinaghahandaan ng Prestige Power Resources Inc., isang subsidiary company ng San Miguel, ang pagtatayo ng 600 Megawatts na planta ng liquefied natural gas (LNG) sa Leyte na tinatayang aabot sa P41.49 na bilyon. 

Sa inilabas na pahayag ng P4P, iginiit ng convenor nito na si Gerry Arances, ang pananagutan ng kumpanya kung magdudulot ang mga proyekto nito ng kapahamakan sa pamayanan.

“As one of the largest conglomerates in the Philippines, SMC has the ability to influence the quality of life of Filipinos,” ayon kay Arances

“They should be held accountable if they negatively use it to promote detrimental and costly energy,” aniya. 

Kinondena naman ni Living Laudato Si’ Deputy Executive Director, John Leo Algo, ang taliwas na gawain ng San Miguel sa mga adhikain umano nito na magtulak ng mga sustainable projects.

“Ang San Miguel Corporation po ay ang pinaka-malaking developer ng natural gas sa ating bansa, sila din po ang pinaka-malaking developer ng coal,” ayon kay Algo

“Hindi po tugma ang sinasabi ng San Miguel Corporation na magtutulak (sila) ng sustainable energy. Sila po ay nangunguna sa pagpapatayo ng mga fossil gas power plants sa ating bansa,” dagdag pa niya.

Ang protesta na ginanap sa Mandaluyong ay sinabayan ng iba’t ibang mga pagkilos na pinangunahan ng ECOSILAK – Youth for VIP sa Batangas; PALAG Na! sa Ozamiz at Davao City; Konsyumer Negros and Youth for Climate Hope sa Negros Occidental; SM-ZOTO sa Navotas, Freedom from Debt Coalition sa Tabango, Leyte; at Bukluran ng Manggagawang Pilipino, KPML, Sanlakas, at Partido Lakas ng Masa sa Cebu.

Related Articles

Laudato Si course ilulunsad sa Maynila

Laudato Si course ilulunsad sa Maynila

Ilulunsad sa susunod na Linggo ng Ministry of Ecology ng Arkdiyosesis ng Manila ang Laudato Si’ Course na magbibigay daan sa mga mananampalataya na unawain ang nilalaman ng dokumentong Laudato Si’.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published.

Pin It on Pinterest

Share This