VP Robredo handang makipagtulungan sa IPs, palakasin ang batas pangkalikasan

March 28, 2022

Makipagtulungan sa mga indigenous communities, ito ang iginiit ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo sa usapin ng pag-mimina at pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan.

Sa panayam na inilunsad ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga tumatakbong pangulo, ibinahagi ng ni Robredo na “dehado” ang mga lokal na komunidad gaya ng mga katutubo tuwing may nagaganap na pagmimina sa kanilang mga lugar. 

“Totoong mahirap mag-implement ng mga national laws, pero pag ginawa mo kasing partners ang local communities, halimbawa yung mga IPs (Indigenous Peoples) natin.Bakit hindi natin sila gawing partners?” ayon kay VP Robredo sa ginanap na Usapang Halalan 2022 ng CBCP noong Biyernes.

Aniya, dapat “unang alagaan” at gawing “kabahagi” ang IPs sa mga programa at ipagkakatiwala sa kanila ang kapangyarihan na mangalaga sa kalikasan. 

“Dapat sila yung binibigyan natin ng kapangyarihan na pangalagaan yung environment na gusto natin pangalagaan,” aniya.

Nauna nang ipinahayag ni Robredo sa naturang panayam ang kaniyang pag sang ayon sa Land Use Act, dahil “ito ang magiging basehan ng pagdeklara ng no mining-zones.” 

Sabi niya, sisiguraduhin niya na walang proyekto ang magaganap ng “walang pagsang ayon” ng mga pamayanan na pangunahing apektado sa mga ganitong uri ng gawain.  

Samantala, ikinatuwa naman ng isang opisyal ng CBCP Episcopal Commission on Indigenous Peoples ang pahayag ni Robredo sa pakikipagtulungan sa mga katutubo. Ayon kay ECIP Executive Secretary Antonio Abuso, sang-ayon sila na ang mga katutubo ay katuwang sa pangangalaga sa kalikasan.

“Sumusuporta po kami na ang mga katutubo ay katuwang hindi lang sa pangangalaga ng environment, gayundin sa pagpapaunlad at pamamahala nito,” ayon kay Abuso sa panayam ng OeconoMedia.

Bukod pa rito, malaking tulong aniya ang mga katutubo sa mga usaping may kinalaman sa kalikasan, di lamang sa pagmimina kundi sa pag-laban sa climate change. 

“Ang kanilang (Indigenous People) kaalaman sa ekolohiya ay malaking tulong para malagpasan ang mga kinakaharap nating epekto ng climate change,” ani Abuso.

Sa paglulunsad ng Laudato Si’ Action Platform, isa sa mga layunin ng Laudato Si’ ay ang katatagan at Pagpapalakas sa pamayanan, ito ay “isang sinodal na paglalakbay ng pamayanan at pakikilahok sa mga gawain sa iba’t ibang antas (ng lipunan).” 

Sa ulat ng Radyo Veritas 846 kamakailan kaugnay ng mga apektadong komunidad ng Kaliwa Dam Project, hinimok ni Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc ang mga susunod na lider ng bansa, na bigyang pansin ang kapakanan ng mga katutubo at pagtibayin “free, prior and informed consent (FPIC)” para sa mga indigenous communities.

Related Articles

Laudato Si course ilulunsad sa Maynila

Laudato Si course ilulunsad sa Maynila

Ilulunsad sa susunod na Linggo ng Ministry of Ecology ng Arkdiyosesis ng Manila ang Laudato Si’ Course na magbibigay daan sa mga mananampalataya na unawain ang nilalaman ng dokumentong Laudato Si’.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published.

Pin It on Pinterest

Share This