Isa sa mga umuusbong na isyu sa usaping pangklima sa Pilipinas at sa buong mundo ang konsepto ng net-zero emissions. Tumutukoy ito sa estado kung saan ang ibinugang polusyon na greenhouse gases (GHGs, kagaya ng carbon dioxide) ng isang bansa o kumpanya ay katumbas ng polusyong kanilang inaalis mula sa kapaligiran, na ngayon ay mas kinikilala sa pampubliko at pribadong sektor.
Noong Hunyo, sinuportahan ng Pilipinas ang pagkamit ng net-zero emissions sa industriya ng pagbabarko pagdating ng 2050. Matapos ang ilang linggo, inaprubahan ng International Maritime Organization ang plano para sa mas malinis na naturang industriya, bilang pagsuporta sa pandaigdigang aksyon laban sa krisis sa klima.
Nagpahayag rin ng kanilang suporta para sa net-zero ang ilan sa mga malalaking kumpanya sa bansa. Nangako ang SM Prime na makamit ito pagdating ng 2040 sa pamamagitan ng pagsusulong ng likas-kayang enerhiya (RE) at pagpoproktekta sa mga kagubatan.
Noong Hunyo, inilahad ng San Miguel Corporation ang kaugnay nitong plano, kabilang ang pagsugpo sa kahirapan, pagbabawas ng basura, at mas sustenableng supply chain.
Maaaring sabihing mas handa na ang Pilipinas para sa net-zero. Pero dapat ba itong sumuporta?
Ano ba ang ‘net-zero’?
Iniulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) na dapat makamit ang net-zero pagdating sa carbon dioxide ng 2050 upang limitahan ang pandaigdigang pag-init sa 1.5°C kumpara sa mga temperature noong nakaraang siglo. Itinuturing ang 1.5°C na nibel ng pag-init na, kapag nalampasan, ay magdudulot ng pagkasira sa kalikasan na mahirap nang iwasan.
Dapat nating tandaan na nanggagaling sa iilang bansa ang karamihan ng mga GHG, kabilang ang China, India, ang USA, at mga bansa sa Europe. Dahil dito, dapat ipasa sa mga naturang bansa ang responsibilidad ng pagbabawas ng ganitong polusyon. Hindi makatarungan na ibigay ito sa mga bansang maliit lamang ang kontribusyon, kagaya ng Pilipinas.
Gayunpaman, dapat bawasan rin ng Pilipinas ang ibinubuga nitong polusyon. Bilang isang bansang may umuusbong ng ekonomiya na isa rin sa mga pinakananganganib sa mga epekto ng krisis sa klima, may responsibilidad ito na iwasang sundan ang uri ng pag-unlad na ginawa ng mga mayayamang bansa na nagdulot ng nasabing krisis. Sa mas malinis na uri ng pag-unlad, may nakaambang mas maraming oportunidad para makamit ng bansa ang itinakda nitong mga hangarin para sa pambansang pag-unlad.
Hindi dapat puwersahin ang Pilipinas ng mayayamang bansa na sabayan o tumbasan sila sa kanilang pag-aksyon, dahil hindi malaki ang ating kontribusyon sa natur ang problema o ang ating kapasidad sa pagpapatupad ng mga solusyon. Bahagi rin ito ng ating mga panawagan para sa hustisyang pangklima sa pangdaigdigang negosasyon, na makikita sa ating mga posisyon sa iba’t-ibang isyung pangklima.
Noong 2021, isinumite ng Pilipinas ang Nationally Determined Contribution (NDC) kung saan nangako itong bawasan ang ibinubugang GHG ng 75% sa loob ng kasalukuyang dekada, kumpara kung wala tayong plano. Base sa datos na ito, 72.29% ay ‘kondisyonal’; ang ibig sabihin ay kailangan natin ng suporta mula sa ibang bansa para magpatupad ng mga solusyon.
Maraming detalye na wala sa kasalukuyang NDC, kabilang ang plano para sa net-zero. Dahil may kasamang pahayag ang bansa na simulan ang pagbaba ng polusyon nito simula sa 2030, masasabing pasok pa rin sa plano nito ang kondisyonal na pangako ng makamit ang net-zero pagdating ng 2050 o sa kasunod na dekada; nakapagtataka ang kawalan ng ganitong target.
Maaaring dahilan sa ganitong kawalan ang estado ng ating mga kagubatan, na kailangan upang alisin ang polusyon sa ating kapaligiran na kailangan sa pagkamit ng net-zero. Ayon sa isang pag-aaral, posibleng mawala ang kakayahan ng sektor na mag-alis ng polusyon pagdating ng 2030, lalo na’t mas titindi ang epekto ng matataas na temperatura sa mga kagubatan, bakawan, at iba pang bahagi ng kalikasan na may ganitong kapasidad.
Dapat ding tutukan kung papaano nga ba makakamit ng mga korporasyon ang kanilang target, lalo na’t marami sa kanila ang nagpaplanong gumamit ng mga panukalang teknolohiya upang alisin at iimbak ang mga GHG. Ang IPCC na mismo ang nagsabing hindi pa napatutunayang epektibo ang ganitong mga teknolohiya at, kapag sapilitang ipatupad, ay maaari pang makadulot ng pagkasira ng kalikasan at kapahamakan para sa mga komunidad.
Habang patuloy ang pagpopondo at pagsuporta ng mga korporasyon sa anumang aksyong nagdudulot ng mas matinding pagkadepende sa mga fossil fuel, na sa katunayan ay sinusuportahan ng pamahalaan sa pamamagitan ng natural gas, mananatiling pangako lamang ang kanilang mga salita. Sa lahat ng kinakailangan ng ating bansa, hindi kabilang dito ang greenwashing at mga pekeng solusyon.
Hindi mali ang pagkakaroon ng target na net-zero. Kung iisipin natin, kung tumataas pa ang ating ibinubugang polusyon, dadaan muna talaga tayo sa net-zero bago magsimula ang pagbabawas ng GHG sa ating kapaligiran.
Pero iyon mismo ang punto: ang mga bansa at korporasyon ay kailangang magbawas ng mas maraming polusyon at mag-alis ng labis na GHG na nasa ating kapaligiran. Hindi tama na gumawa sila ng palusot para panatilihan ang ‘business-as-usual’ na mentalidad dahil magdudulot lamang ito ng mas matitinding delubyo, mas matinding pinsala ng kalikasan at kabuhayan, at mas matinding pasaning na ipapasa sa mga pinakabulnerableng mga komunidad.
Dapat ding ipunto na ang net-zero ay hindi ang ultimong hangarin ng mga likas-kayang plano ng Pilipinas; ito ay isang hakbang lamang, ang signal na handa na ang bansa o kumpanya na tunay na bawasan ang ibinubuga nitong polusyon.
Pagdating sa aksyong pangklima, hindi puwede ang neutral. Tanging ang pagtatapos ng ating matinding pagkadepende sa mga fossil fuel ang magtutulak sa atin patungo sa likas-kayang pag-unlad na nararapat sa bawat Pilipino.
John Leo is the Deputy Executive Director for Programs and Campaigns of Living Laudato Si’ Philippines, a member of Aksyon Klima Pilipinas, and the Youth Advisory Group for Environmental and Climate Justice under the UNDP in Asia and the Pacific. He has been a climate and environment journalist since 2016.
0 Comments