Basbas at Pagpapala

December 22, 2023

Ang Magnificat ay isang “Awit ng Pagpapala”. Sino ang pinagpapala ni Mama Mary? Ang Panginoon. Teka, di ba baligtad? Di ba dapat Diyos ang nagpapala at tao ang pinagpapala?

Kahapon ito ang pahayag ni Elisabet kay Maria: “Bukod kang pinagpala ka sa babaeng lahat…”. Ang Magnificat ay sagot ni Maria sa pagkilala ni Elisabet sa hatid na pagpapala ng kanyang pagdalaw: hindi ako kundi ang Diyos ang dapat pag-ukulan ng blessing. Siya ang tunay na pinagpala, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala.

Kaya siguro ang mga Hudyo, sa pagbabasbas ng anumang bagay o tao, ang laging simula ng prayer of blessing ay pagpapala sa Diyos na bukal ng lahat ng biyaya na pinadadaloy niya sa iba sa pamamagitan natin. Sa Hebreo, ganito ang sinasabi nila: “Barukh Attah Adonay Elohenu” (Pagpalain ka O Panginoon naming Diyos). Ang karaniwang opening ng alinmang panalangin ng pagbabasbas o pagpapala sa kahit na ano o sino ay pagkilala muna sa kagandahang loob ng Diyos.

Nasabi ko sa inyo kahapon na mainit na topic ngayon ang salitang BLESSING. Malakas ang negative reaction ng maraming mga kapatid nating Katoliko sa isang “Declaration” mula sa Roma noong nakaraang December 18 tungkol sa Pastoral na Kahulugan ng Blessing. Pwede daw bang “i-bless” ang mga hiwalay sa asawa, diborsiyado o may kinakasamang bakla pag humingi sila nito? Akala nila kasal o sakramento ang tinutukoy na blessing; pakibasa na lang siguro nang mabuti ang nasabing dokumento.

Kung mga alagang aso’t pusa nga, pati sasakyan, mga bolpen at lapis na pang-board exam at mga passport inihihingi natin ng blessing, mga tao pa kaya?

Aaminin ko sa inyo, dahil tao din ako, kung minsan mabigat din ang loob ko na magbigay ng blessing. Halimbawa—kung ang humihingi ng blessing ay isang kumakandidatong pulitiko na may kasama pang taga-media. Nagdududa kasi ako pag ganyan na baka publicity lang talaga ang gusto niya, hindi blessing. Pero nilalabanan ko ang sarili ko. Hindi ko alam ang nasa loob niya, baka sincere naman, sino ako para husgahan siya? Parang duktor din kasi kami. Kahit kalaban hindi mo pwedeng pagkaitan ng kalinga kapag humiling ito.

Kung minsan naman may mga taong umaasta na parang nabibili ang blessing. Sa Bibliya, may kuwento tungkol sa isang mayamang sundalo na nagkasakit na leprosy at inalukan ng ginto at pilak bilang kapalit sa blessing ng propetang si Elisha. (2 Kings 5) Gusto ng sundalo bigyan siya ng importansya at i-pray over siya ng propeta. Bukod sa tinanggihan ng propeta ang alok na ginto at pilak at hindi man lang niya hinarap ang sundalo. Isang instruction lang ang ibinigay ng propeta kung ibig daw ng sundalo na gumaling. Maglublob daw ng pitong beses sa maputik na tubig ng ilog Jordan; iyun na ang blessing. Magwo-walk-out na nga sana ang sundalo. Buti na lang nakinig siya sa batang alipin na nagpayo sa kanya na magpakumbaba at sumunod. Ayun, gumaling.

Talagang di natin alam ang milagrong pwedeng mangyari kahit sa mga arogante at masyadong parang bosing ang dating. Kahit nga ang madaya at mapanlinlang na si Jacob, nakakuha ng blessing sa tatay niyang si Isaac. (Genesis 27) Inagaw niya ang blessing na nakalaan para sa panganay na kapatid niyang si Esau. Aba tinulungan pa siya ng nanay niya para nakawin ang blessing sa kuya niya. (Nananakaw pala ang blessing?)

At meron pa ngang kuwento tungkol sa isang dayuhang propetang si Balaam na kinomisyon ng haring kalaban ng Israel na sumpain ang Israel. Pero imbes na sumpa, pagpapala ang lumalabas na salita sa propeta sa tuwing bubuksan niya ang bibig niya. (Numbers 22)

Sa mga ebanghelyo naman, di ba minsan, humihingi daw ng blessing ang mga nanay para sa mga anak nilang makukulit at sinasaway sila ng mga alagad? Sino ang napagalitan? Hindi ang mga nanay, hindi rin ang mga bata, kundi ang masusungit na alagad. Sabi ni Hesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga batang pinabi-bless ng mga nanay.” (Mark 10:14) Kaya ingat lang sa masusungit; baka mapagalitan ng Panginoon kapag ipinagsungit ang blessing.

Iyung prostitute na naghugas at nagmasahe sa mga paa ni Hesus sa isang kainan—di ba higit pa sa blessing ang nakuha niya kay Hesus? (Luke 7) Pinahagingan pa nga ni Hesus ang Pariseong nanghusga sa babae. Mas matindi daw ang pag-ibig na manggagaling sa taong mas malaki ang kasalanang pinatawad sa kanya. Wow. Oo nga ano, di ba ang basong kulang sa laman—pag mas malaki ang kulang mas malaki ang ipampupuno sa pagkukulang! Big sinners make big lovers.

At iyung babaeng Samaritana (John 4) —lima na daw ang kinasama niyang lalaki at ang pang-anim na ka-live-in niya hindi rin niya asawa. Magandang example ng taong nasa “irregular marital situation.” Siya na nagsungit kay Hesus ng tubig na maiinom, siya pa ang tumanggap ng “buhay na tubig na bumabalong” ng mabuting balita. Sa pamamagitan niya, pinaapaw pa ng Panginoon at pinaagos ang grasya ng mabuting balita sa mga pasaway na Samaritano.

Isa pang halimbawa’y si Zaqueo, ang tax-collector na pandak. (Luke 19) Kulang siya sa sukat, hindi lang sa pisikal kundi pati na rin sa moral. Grabe, ang tindi ng blessing na tinanggap niya matapos na pansinin siya at pababain ni Hesus para makasalo sa hapag-kainan, di ba? Ang taong tiwali at maramot biglang natutong bumitaw at tumalikod sa dating mahigpit niyang kapit sa salapi at natutong magbahagi. Di ba ang tindi ng epekto ng blessing iyon?

Kung nagpadala lang siguro si Jesus angal ng mga Pariseo, baka walang nangyaring pagbabago kay Zaqueo. Si Hesus ay hindi ang tipong magsasabing, “Magbago ka muna kung gusto mong bigyan kita ng blessing.” Binebless muna niya; sumusunod ang pagbabago.

May tatlong examples pa ako: Si Judas Iskariote, ang bandidong katabi ni Hesus sa kalbaryo, at ang babaeng nahuli sa pakikiapid. Si Judas—ang taksil na kaibigan na nagkanulo kay Hesus sa halagang 30 piraso ng pilak. (John 14:30) Taksil, pero binless pa rin siya ni Hesus. Siya ang unang binigyan niya ng kapirasong tinapay sa huling hapunan, bago siya nilamon ng dilim. Ang kriminal naman na kasamang napako rin sa krus sa kalbaryo: ni hindi blessing ang hiniling niya kundi ang maalaala man lang daw siya ni Hesus sa kanyang kaharian. Pero ang tindi ng blessing na tinanggap niya; sinabihan siya ng Panginoon, “Ngayon mismo makakasama mo ako sa paraiso.” (Luke 23:43) Last example, ang babaeng nahuli sa pakikiapid. Sa mga taong nakiisa sa panghuhusga sa babae, at kasamang naghihintay ng hudyat para parusahan siya ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbato, di ba’t sinabi ni Hesus, “Ang walang kasalanan sa inyo ang unang bumato sa babae.” (John 8 ) Sapat na iyon para tumalikod sila at magsi-uwian. May sumikat na kasabihan noon, “Kapag itinuro mo ang hintuturo mo para akusahan ang kapwa, tandaan mo, may tatlong daliring nakaturo sa iyo.”

Kaya magandang paalala ang sabi ng Salmo 130,3-4: “Kung tatandaan mo Panginoon ang lahat ng aming mga pagkakasala, sino ang matitira? ”

Isa sa mga paalala ni Hesus sa mga alagad ay kung ang kaya lang nating mahalin ay ang mababait at karapat-dapat, wala pa daw tayong aasahang gantimpala. Tumulad daw tayo sa mga anak ng Kataas-taasang Diyos na nagpapasikat sa araw sa mabubuti at masasama, at nagpapaulan sa mga matuwid at mga tiwali.” (Matthew 5:45) Sinabi rin niya: Huwag kayong humusga at di kayo mahuhusgahan; huwag kayong humatol at di kayo hahatulan, magpatawad at kayo’y patatawarin, magbigay at kayo’y tatanggap ng siksik, liglig at umaapaw.” (Luke 6:37-38) At pinakamahalaga sa lahat: “Ang panukat ninyo sa kapwa ay ipanunukat din sa inyo.”

Kaya balikan natin ang conclusion kahapon: Mga kapatid, huwag nating ipagkait sa mundong nananabik ang blessing na ito. Ibahagi natin ito sa mundong makasalanan ngunit lubos na minamahal at patuloy niyang tinutubos at pinag-aalayan ng buhay. Ito ang ibig sabihin ng magmisyon—ang maipakilala sa mundo ang kagandahang-loob ng Diyos na inawit ni Maria.

Homiliya ni Bishop Pablo Virgilio David ng Kalookan para sa Pampitong Araw ng Simbang Gabi, Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, 22 ng Disyembre 2023, Lk 1:46-56

Related Articles

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This