Dapat bang suportahan ang nuclear energy? [Part II]

February 3, 2023

Isa sa mga pinakakontrobersyal na usapin sa kasalukuyan ang nuclear energy. Nagpahayag ng kanilang suporta para sa pag-usbong ng nuclear sa Pilipinas sina Pangulong Bongbong Marcos at ang dating Presidente Rodrigo Duterte.

Sa ngayon, pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga posibleng lugar, teknolohiya, and panukala kaugnay sa pagtatayo ng mga pasilidad. Pero kaya pa ng Pilipinas na umiwas sa ganitong direksyon at hindi na muling umulit ng pagkakamali.

Hindi dapat maging malaking bahagi ng sistema ng enerhiya sa Pilipinas ang nuclear. Narito ang iba pang dahilan kung bakit.

Security personnel try to take down banners from members of Greenpeace Philippines as they mark the 11th anniversary of the Fukushima nuclear disaster caused by the March 11 earthquake and tsunami in Japan during a protest at the Department of Energy – Renewable Energy Management Bureau in Taguig City, Metro Manila, Philippines. March 11, 2022. Greenpeace Philippines called on the government to stop promoting nuclear as an alternative energy source in the country and demanded the revocation of Executive Order No. 164, which promulgates the use of nuclear power. Photo by Basilio Sepe/Greenpeace

Hindi solusyon sa krisis sa klima

Ayon sa mga tagasuporta ng nuclear, posible itong maging solusyon laban sa krisis sa klima. Subalit sa usapin ng mitigasyon o pagbabawas ng polusyong greenhouse gas (GHG), higit na mas mataas ang potensyal at mas mura ang solar and wind kumpara sa nuclear.

Nakasaad sa ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change na mababawasan ang ibinubugang GHG ng aabot sa 50% pagdating ng 2030 kung ipapatupad ang mga “murang” solusyong mitigasyon, na gagastos ng mas mababa sa USD100 sa bawat tonelada ng CO2. Ayon sa nasabing ulat, solar at wind ang may pinakamataas na potensyal sa pagbabawas ng GHG, na aabot sa tatlong beses na mas epektibo kumpara sa nuclear. Mas epektibo rin ang pagusbong ng energy efficiency sa pag-aksyon laban sa krisis sa klima.

Mahalagang bahagi ng mga plano ng Pilipinas sa pagbabawas ng sarili nitong polusyon ang renewable energy (RE) at energy efficiency. Bilang bahagi ng Paris Agreement, nangakong magbabawas ang Pilipinas ng 75% ng ibinubuga nitong GHG sa loob ng kasalukuyang dekada. Maaaring umabot ng 15 taon ang pagtatayo ng nuclear, at sakop nito ang taong 2030. Ito ang deadline para maabot ng buong mundo ang mga target na nakasaad sa Paris Agreement at UN Sustainable Development Goals.

Bagaman itinuturing ng kasalukuyang liderato na alternatibo sa coal ang RE, gas, at nuclear, makikitang hindi tumutugma ang ganitong polisiya sa kailangang gawin ng bansa upang tumugon sa krisis sa klima. Sa ngayon, wala pa ring malinaw, komprehensibo, at detalyadong stratehiya ang Pilipinas upang bawasan ang ibinubuga nitong GHG, kahit na pitong taon na ang lumipas mula nang nabuo ang Paris Agreement.

Mataas ang pagkakataong magiging sagabal ang nuclear sa aksyong pangklima ng Pilipinas. Kaya mahalaga para sa pamahalaan na unahin ang pag-usbong ng RE at energy efficiency tungo sa tunay na likas-kayang pag-unlad ng sambayanang Pilipino.

Paggambala sa paglago ng RE

Kailangang patuloy ang pagpapatakbo ng plantang coal, ang kasalukuyang responsable sa karamihan ng baseload power generation sa bansa, upang maibaba ang gastusin. Subalit nagreresulta ito ng isang sistema ng enerhiyang hindi nakatutugma sa mga panahong biglaang nagbabago ang demand sa kuryente. Tignan ang naganap sa kalagitnaan ng mga lockdown dala ng pandemyang COVID-19, kung kailan isinara para sa maintenance ang ilang plantang coal at nagdulot ng ilang kaso ng yellow alert at red alert sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Dapat gawing prayoridad ng pamahalaan ang pagbuo ng isang flexible energy grid sa halip na patuloy na masyadong pagtuunan ng pansin ang baseload generation. Sa nakalipas na mga dekada, pinapaboran ang mga malakihang proyekto kaugnay sa coal at gas upang ibaba ang gastusin. Pero sa pag-import ng bansa ng mga naturang fossil fuel, nagbunga ito ng pabago-bago at mas mahal na presyo ng mga produktong enerhiya at isang pangkalahatang sistemang bulnerable sa epekto ng iba’t ibang krisis. 

Walang malakihang pagkukunan ng mineral na ginagamit sa paglikha ng enerhiyang nuclear kagaya ng uranium o plutonium ang Pilipinas sa sarili nitong teritoryo. Kung itutuloy ang pag-usbong ng inudstriya ng nuclear, mauulit ang problema ng bansa pagdating sa pag-import ng pinagkukunan ng enerhiya, kahalintulad sa sitwasyon sa coal. Kung isasama ang panukalang pagtaas ng ating pagkadepende sa gas (isa pang uri ng fossil fuel), ang pagpalit sa coal ng dalawang imported fuel ay magreresulta sa lalo pang mas mahal na singil sa kuryente at mas mabigat na pasanin sa mga Pilipino.

Ilang beses na nating narinig na hindi raw handa ang Pilipinas upang tuluyang palaguin ang RE. Subalit iniiwasang banggitin ng mga tagasuporta ng nuclear na hindi umuusbong ang RE sa bansa dahil sa hindi-mabuting pagpapatupad ng Renewable Energy Act (Republic Act 9513). Kahit na mahigit isang dekada na nang ipasa ang nasabing batas, bumaba ang kontribusyon ng RE sa energy mix ng bansa, na naging 22.4% sa nakaraang taon mula 33.9% noong 2008.

Ipinapakita ng ilang pag-aaral na kailangang maging dominante ang RE upang makamit ng Pilipinas at ng buong mundo ang mga target nito kaugnay sa likas-kayang pag-unlad. Ayon sa ulat mismo ng Department of Energy, posibleng umabot sa 50% ang hati ng RE sa grid ng Luzon-Visayas pagdating ng 2030. Kaakibat nito ang pagtataas ng flexibility ng sistema at pagpaplano sa pagpapabuti ng paglikha at transmisyon ng enerhiya.

Sa isa pang ulat, sinabi ng International Energy Agency na upang makamit ang mga layunin ng Paris Agreement, dapat na umabot sa 60% ang kontribusyon ng RE sa Southeast Asia sa taong 2050. Kakaunti lamang ang porsyento ng nuclear sa energy supply ng rehiyon.

Malinaw na hindi nuclear

Pagdating sa usapin ng nuclear, hindi ito tungkol sa popularidad ng mga pulitiko. Hindi ito tungkol sa mapiling pagsunod sa nangyayari sa ibang bansa o pagpapanatili ng namamayagpag na normal. Isa itong mahalagang isyu na may malaking epekto sa likas-kayang pag-unlad, mula sa pagtugon sa krisis sa klima hanggang sa kapakanan ng mga Pilipino, at nangangailangan ng malawakang konsultasyon at komprehensibong proseso sa pagdedesisyon.

Makikita sa ebidensya na ang nuclear ay magdudulot ng problema sa kaligtasan at seguridad, mataas na gastusin para sa mga konsyumer, at nakasasagabal sa pagpapatupad ng aksyong pangklima, lalo na pagdating sa pag-usbong ng RE.

Sa halip, dapat pagtuunan ng pansin ng Pilipinas ang pagiging self-sufficient pagdating sa paglikha ng enerhiya sa pamamagitan ng pagbabawas ng paggamit ng mga imported fuel, katulad ng coal, gas, at mga mineral na kailangan sa nuclear, at pag-una sa paglago ng isang sistemang pinapatakbo ng mga lokal na pinagkukunan ng enerhiya, lalo na ang RE.

John Leo is the Deputy Executive Director for Programs and Campaigns of Living Laudato Si’ Philippines and a member of the interim Secretariat of Aksyon Klima Pilipinas. He is a Filipino civil society delegate and speaker at COP27 in Sharm El Sheikh, Egypt, and a member of the Youth Advisory Group for Environmental and Climate Justice under the UNDP in Asia and the Pacific.

Related Articles

Palawan bishops urge mining moratorium

Palawan bishops urge mining moratorium

“We are calling for a 25-year moratorium or suspension on the approval of any mining applications and mining expansions,” the bishops said.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This