Sa ika-sampung anibersaryo ng pagtama ng bagyong Yolanda sa Pilipinas, hindi lamang ito binago ang pagtingin ng mga Pilipino sa pagbabago ng klima na ngayo’y isa nang ganap na krisis; ginawa rin nitong kritikal na pandaigdigang usapin ang loss and damage (L&D).
Ang L&D ay tumutukoy sa mga epekto ng krisis sa klima na lagpas sa kasalukuyang kapasidad na magpatupad ng mga solusyon. Bunga ito ng reyalidad na ang mga bansa at komunidad na kakaunti o walang polusyong ibinuga sa ating kapaligiran ang nakararanas ng mga pinakamatinding epekto ng mga sakuna.
Makikita ang ganitong kawalan ng katarungan sa Pilipinas, lalo na sa nangyari noong Yolanda. Nananatili itong pinakamapinsalang bagyo sa ating kasaysayan, na aabot sa PHP89.6 bilyon. Anim sa siyam na sumunod na mga pinakamapinsalang bagyo ay nangyari matapos ang Yolanda.
Kahit na inaasahang handa na ang ating bansa dahil daanan ito ng humigit-kumulang sa 20 bagyo bawat taon, maaaring sabihin base sa tindi ng pagkasira dala ng mga bagyo sa nakalipas na dekada pa lamang na may ilang epekto ng krisis sa klima na masyado nang matindi para sapat na respondehan ng Pilipinas.
Ang pagsusulong ng pasilidad para pondohan ang pagresolba sa L&D, kung saan manggagaling ang pera sa mga mayayamang bansang may pinakamaraming polusyong ibinuga sa ating mundo, ay nananatiling kumplikadong usapin sa mga pandaigdigang pagpupulong. Habang pinag-uusapan pa kung paano ito itatayo, kailangan ng Pilipinas na manguna at magpatupad ng iba pang paraan upang tumugon sa pangangailangan ng mga nasalanta ng mga sakuna.
Hindi puwedeng aasa lang tayo sa mga pinansyal na tulong na nakadadagdag sa kalbaryo ng mga mahihirap nating kababayan at nakasasagabal sa likas-kayang pag-unlad ng ating bansa.
Dapat na aktibong ipaglaban ng Pilipinas ang hustisyang pangklima at pondo kontra sa L&D, ngunit hindi lang dapat tayo maghintay ng tulong. May mandato ang estado na protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng krisis sa klima.
Bilang pagtugon sa panawagan ng hustisya para sa mga biktima ng L&D, dapat ipasa ang “Climate Accountability (KLIMA) Bill” sa Kongreso. Binuo mula sa panawagan ng mga komunidad na pinakaapekto ng krisis sa klima, may dalawang pangunahing bahagi ang panukalang batas: pananagutan ng mga korporasyon at ang pambansang pondo laban sa L&D.
Pananagutan ng mga korporasyon
Nakabatay ang KLIMA bill sa prinsipyong “polluters pay”, na nangahuhulugang dapat managutan ang mga korporasyong gumagamit ng fossil fuel tulad ng coal at natural gas dahil sa polusyong ibinubuga nilang nakaaapekto sa mga komunidad. Matatagpuan din ang prinsipyong ito sa iba pang batas pangkalikasan sa Pilipinas.
Layuning din nito na pormal na ipatupad sa ilalim ng pambansang batas ang UN Guiding Principles on Business and Human Rights. Kasama sa mga responsibilidad ng mga negosyo ay ang ibunyag sa Securities and Exchange Commission ang anumang pananalaping may kinalaman sa klima, pagrespeto sa karapatang pantao sa lahat ng kanilang aktibidad, at masusing pagsubaybay at pag-uulat ng kanilang mga gawain batay sa perspektibo ng karapatang pantao.
Ipinagbabawal ng KLIMA bill ang pagpapasa ng mga korporasyon ng kabayaran dahil sa ibinuga nilang polusyon. Para sa bansang may polisiyang nagpapahintulot sa mga coal-fired power plant na ipasa ang kanilang nawalang kita sa mga konsumer ng kuryente, mahalaga itong bahagi ng panuklanag batas pagdating sa pagprotekta ng karapatan ng mga Pilipino.
Binibigyan din nito ang mga mamamayan ng kapangyarihang maghain ng kaso laban sa mga korporasyong lumalabag sa naturang panukalang batas. May mga lumabas na mga ulat at pag-aaral na nagbibigay ng basehan para sa liderato ng mga korporasyon na tugunan ang mga posibleng epekto ng krisis sa klima sa kanilang operasyon at isapubliko ito sa pamamagitan ng mga sustainability report, na may kasamang datos sa environmental, social, and governance (ESG).
Maaaring ituring na petitioner ang mga menor de edad, susunod na henerasyon, at maging ang kalikasan kung may kumakatawan na legal guardian, batay sa kasalukuyang Rules of Procedure for Environmental Cases. Maaari ring kasuhan ang mga opisyal ng pamahalaan na hindi nagpapatupad ng nilalaman nito, kung maipasa.
Pondo sa pagtugon sa L&D
Itatayo ng KLIMA bill ang isang pambansang pondong tutugon sa pangangailangan ng mga nakaranas ng matinding epekto ng klima, tulad ng mga bagyo, tagtuyot, at pagtaas ng nibel ng dagat.
May panimulang alokasyon ito na PHP1 bilyon, na tataas batay sa pangangailangan. Bahagi ng pagpopondo nito ay manggagaling sa multa at buwis na ipapataw sa mga korporasyong fossil fuel, alinsunod sa prinsipyong “polluters pay”.
Pangangasiwaan ang naturang pondo ng board na may representasyon para sa mga grupong pinakananganganib sa krisis sa klima, katulad ng kabataan at mga katutubo. Titingin ito sa mga hinaing na kompensasyon, pagpapataw ng multa sa mga lumalabag, at pagbibigay ng pondo sa mga tanggap na mga hinaing.
Dapat matuto ang magpapatupad ng pambansang pondo laban sa L&D sa mga problemang nakita sa pangangasiwa ng People’s Survival Fund (PSF), na kahawig ang istruktura pero nakalaan para sa adaptasyon ng mga mahihirap na komunidad sa Pilipinas. Dapat iwasan nito ang mga suliraning tulad ng mababang pagbibigay ng pondo sa nakalipas na dekada, mahirap na proseso ng aplikasyon sa pondo, at iba pang problema sa pangangasiwa.
Mahalagang tandaan na sa nakalipas na dekada, nakaranas ang Pilipinas ng humigit-kumulang PHP50 bilyong L&D bawat taon, na higit na mas malaki kumpara sa PHP1 bilyong nakalaan para sa nabanggit na pondo
Ipinapakita nito ang kahalagahan ng aktibong paglaban ng ating pamahalaan para sa makatarungang pananalaping pangklima sa mga pandaigdigang usapin, na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga bansang kagaya ng Pilipinas. Ipinagtitibay din nito ang importansya ng pananagutan ng mga korporasyon, lalo na sa tamang pagmumulta sa anumang paglabag.
Kailangan pa ring magpatupad ang ating pamahalaan ng mga solusyon kontra sa L&D sa nasyonal at lokal na nibel. Ang pagsasabatas ng KLIMA bill ay isang malaking hakbang sa pagsusulong ng mga Pilipino ng hustisyang pangklima at masigurong walang maiiwan.
John Leo is the Deputy Executive Director for Programs and Campaigns of Living Laudato Si’ Philippines and the National Coordinator of Aksyon Klima Pilipinas. He is also a member of the Youth Advisory Group for Environmental and Climate Justice under the UNDP in Asia and the Pacific. He is a climate and environment journalist since 2016.
0 Comments