Feast of the Baptism of the Lord

January 9, 2022

Mahalaga sa ating mga katoliko ang binyag. Pagkasilang ng bata ang sunod na pinaghahandaan ng mga magulang ay ang binyag ng kanilang anak. Madalas kapag pinag-uusapan ang binyag ang binibigyang diin ay pagtanggal ng kasalanang mana. Kailangan mabinyagan upang matanggal ang original sin.

Totoo, nakakatanggal ng kasalanan ang binyag kasi tayong lahat ay pumasok sa mundo na may dagta ng kasamaan. Pero ang mas dapat bigyang diin sa binyag ay ang pagiging anak natin ng Diyos. Sa binyag tayo ay inaampon ng Diyos na maging anak niya. Ibinigay na sa atin ang kanyang Banal na Espiritu upang matawag natin siyang, “Diyos ko, Ama ko!”

Ibinigay sa atin ang buhay ng Diyos sa binyag. So we are all born again at baptism – isinilang uli sa isang bagong buhay, ang buhay ng Diyos. Grasya ito. Naging anak tayo ng Diyos hindi dahil sa anumang kabutihang ating ginawa, kundi dahil sa pagkamatay at pagkabuhay ni Jesus para sa atin. Kaya tayo ay naging anak ng Diyos, kapatid ni JesuKristo, templo ng Espiritu Santo, kasapi na ng simbahan na siyang pamilya ng Diyos at tagapagmana na ng langit. Ganoon kahalaga ang binyag para sa atin.

Dito tayo nagiging Kristiyano.Pero si Jesus, bakit siya bininyagan? Hindi ba anak na siya ng Diyos? Hindi ba wala naman siyang kasalanan na kailangang patawarin? Ano ang kahulugan ng binyag ni Jesus?Ayon sa ating Gospel ngayong Linggo, ang kanyang binyag ay ang pagpapatotoo sa mga tao kung sino siya. Ito iyong pagpapakilala sa kanya. Bago siya magpabinyag kilala siya ng mga tao na isang karpintero na galing sa Nazareth, Galilea. Isang pangkaraniwang manggagawa lang siya.

Pero sa pagpabinyag niya, pinatotohanan ni Juan Bautista na siya na ang inaantay na darating, ang inaantay ayon sa pahayag ni propeta Isaias sa ating unang pagbasa na magbibigay ng kaligtasan at kaaliwan sa mga taong pinahihirapan ng kasamaan. Bumaba din sa kanya ang Espiritu Santo sa anyo ng kalapati at pinuspos siya ng kapangyarihan ng Diyos. Nandiyan din ang patotoo ng Ama sa pamamagitan ng boses na mula sa langit na nagsabi sa kanya: “Ikaw ang aking mahal na anak na lubos kong kinalulugdan.”Ipinakilala na si Jesus sa lahat at ngayon sinimulan na niya ang kanyang misyon.

Nagsimula na ang kanyang public ministry. Hindi na siya umuwi sa Nazareth. Ang kanyang naging headquarters ay ang Capernaum na nasa tabi ng lawa ng Galilea. Umikot na siya sa iba’t-ibang nayon upang magpahayag ng mabuting balita at mangaral sa mga tao. Nagpagaling na siya sa mga maysakit, nagpalayas ng mga demonyo at nagpatawad ng mga kasalanan. Sa maikling salita naging hayag na ang kanyang pagmimisyon. Ang binyag ni Jesus ay ang simula ng kanyang pagmimisyon para sa ating kaligtasan.

Ang binyag ni Jesus ay maaari ding tingnan na isang paraan ng kanyang pagkikipag-ugnay sa atin. Si Juan Bautista ay nagbibinyang sa ilog Jordan upang manawagan ng pagsisisi. Ang tumatanggap ng kanyang panawagan ay lumulusong sa ilog Jordan kung saan sila ay pinapaliguan ni Juan, tanda ng pagsisisi nila. Ibig nilang malinisan na sila sa kadumihan ng kasamaan. Kahit na si Jesus ay walang kasalanan, lumusong din siya sa Ilog Jordan upang makiisa sa ating makasalanang kalagayan. Inangkin ng isang walang kasalanan ang ating kasamaan. Mas naging ganap ang pag-angking ito noong siya ay namatay sa Kalbaryo.

Wala naman siyang kasalanan pero pinatay siya bilang isang makasalanan. Siya ang nagbata ng ating mga pagkukulang. Pinaghahampas siya at namatay siya kasi tinanggap niya ang ating kasamaan. Ang pakikiisa ni Jesus, ang anak ng Diyos, sa ating kalagayan ay nagsimula noong siya ay isilang na tao. Nakiisa siya sa ating pagkatao. Sa kanyang binyag, nakiisa siya sa ating pagiging makasalanan. Sa Kalbaryo, inangkin na niya at binayaran ang ating mga kasamaan.Sa atin ngayon, ano naman ang kahulugan ng binyag ni Jesus?

Kahit na ang binyag na tinanggap natin ay iba kaysa binyag ni Jesus, may mensahe pa rin sa atin ang binyag niya. Sa ating binyag hindi lang tinanggal ang ating mga kasalanan at hindi lang tayo naging anak ng Diyos. Ang ating binyag ay ang ating pakikiisa din sa misyon ni Jesus. May misyon ang bawat isa sa atin dahil sa tayo ay binyagan.

Ang misyong ito ay ang isabuhay ang ating pagiging anak ng Diyos at isulong ang gawain ng kaligtasan. Ang kaligtasan ay hindi lang para sa atin. Ito ay para sa lahat. Kaya tayo na nakatanggap na nito ay may pananagutan na ito ay ibahagi din sa iba. Ito ang ibig sabihin ng GIFTED TO GIVE. Ang pananampalataya, ang kaligtasan ay isang gift, isang biyaya. Binigyan tayo nito, makiisa din tayo na ito ay ibahagi sa iba.

Ginagawa natin ito sa pagiging saksi sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Ganoon ako kamahal ng Diyos na mamahalin ko rin ang aking kapwa.Ang kaligtasan na ating tinanggap ay hindi lang para sa ating kaluluwa. Hindi lang ito para sa langit. Ang kaligtasang ito ay para sa ating buong pagkatao at para sa lahat ng tao. At ngayon pa lang ay kumikilos na at dapat mararamdaman na ang kaligtasan sa lahat ng uri ng kasamaan – sa pagsisinungaling, sa pagsasamantala, sa pagwawalang kibo, sa pagnanakaw, sa pagkasira ng buhay at ng kalikasan. Ang mga ito ay dine-denounce natin kasi hindi ito ayon sa plano ng Diyos.

Ayaw nito ng Diyos kaya inaayawan natin ang mga ito. Nagsasalita tayo laban sa mga ito at hindi tayo nakikiisa sa mga gumagawa ng mga ito.

Ipakita po natin ang ating misyon para sa kaligtasan ngayong halalan. Huwag tayong makiisa sa mga taong sinungaling at nanloloko. Itatwa natin ang mga mamamatay tao o nagpapatay ng mga tao. Huwag nating kampihan ang mga naninira ng kalikasan, tulad ng pagsulong ng mining o ng coal powered plants. Kung may benepisyo man na binibigay ang mga ito, pansamantala lang ang mga ito at ang nakapaninirang resulta nito ay pangmatagalan. Naranasan natin ang bagyong si Odette. Ito ay dala na ng Climate Change. Talagang nababago na ang klima dahil sa mga polisiya na mapangpanira ng tao sa kalikasan.

Malawak pala ang kahulugan ng binyag ni Jesus. Ang kapistahan natin ay hindi lang tungkol sa nangyari kay Jesus. Ang kanyang binyag ay nagpapaalaala sa atin ng isang bahagi ng ating binyag – ang misyon natin para sa kaligtasan, ang kaligtasan ng buong pagkatao, ng lahat ng tao at ng ating mundo. Dahil sa tayo ay binyagan, kumilos tayo para sa kaligtasan. Hindi lang tayo tagapagtanggap ng kaligtasan. Tayo ay tagapagsulong din ng kaligtasan!

Homily of Bishop Broderick Pabillo of Taytay on the Feast of the Baptism of the Lord, January 9.

Related Articles

Palawan bishops urge mining moratorium

Palawan bishops urge mining moratorium

“We are calling for a 25-year moratorium or suspension on the approval of any mining applications and mining expansions,” the bishops said.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This