Kaliwa Dam: Tigil na ba talaga?

December 18, 2022

Noong Oktubre 2022, naglabas ng pahayag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ikinagalak ng mga kababayan nating maka-kalikasan at makabayan.

Kaugnay ito ng proyektong Kaliwa Dam na matagal nang tinututulan ng maraming sektor. Kabilang sa mga tumututol dito ang inyong lingkod dahil ang aming bayan sa Rizal ay kasama sa tatamaan ng proyektong ito.

Sa isang public hearing para sa budget ng ahensya, sinabi ni DENR Undersecretary Ernesto Adobo Jr. na itinigil na muna nila ang pagbigay ng Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa Kaliwa Dam. Nangangahulugan din ito ng pagtigil sa konstruksyon ng dam.

Matatandaang ibinigay ng DENR ang ECC para sa Kaliwa Dam Project noong Oktubre 2019 na may mga kondisyon. Ngunit maraming tumutol dahil hindi umano nasunod ang mga ito.

Ngunit una sa lahat, ano ba itong proyektong Kaliwa Dam?

Paliwanag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), layon ng pagtatayo ng bagong dam na makatugon sa mga pamilyang nangangailangan ng tubig sa Metro Manila.

Itatayo ito sa Quezon ngunit ang lagusan ay aabot sa Rizal. Tinatayang aabot sa P12.189 bilyon ang magagastos sa proyekto.

Ang proyektong ito, na-aprubahan, natigil, muling inaprubahan, at muling natigil sa mga nagdaang taon. Laiban Dam Project ang unang tawag sa proyekto nang ipanukala ito noong 1970.

Dahil sa pagbagsak ng ekonomiya nang patapos na ang rehimeng Marcos Sr., naantala ang proyekto. Muli itong ipinanukala noong 2012. MWSS ang nakakuha ng P10.9 bilyong halaga ng official development assistance (ODA) mula sa Tsina.

Lumalabas na malaki ang papel ng Tsina para matuloy ang proyekto ngayon ay tinatawag nang Kaliwa Dam Project. Dahil din ito sa pagkilos ng pamahalaang Duterte.

Ang krisis sa tubig sa Metro Manila ang pangunahing dahilan para ipanawagan ng pamahalaang Duterte ang pagsuporta sa proyektong ito.

Galing sa Angat at Ipo Dam ang supply ng tubig sa Metro Manila. May mga pagkakataon na humihina ang mga dam na ito kaya napipilitang irasyon ng Metro Manila Water District ang limitado nilang supply ng tubig sa Eastern Metro Manila.

Tinututulan ng marami, lalo na ng mga makakalikasan, ang Kaliwa Dam Project.

Ayon sa mga tutol sa proyekto, makakaapekto ang dam sa tradisyunal na tirahan ng mga katutubo. Ang binabalak na construction site ay babagsak sa lupang tinitirahan ng mahigit 5,000 katutubong Dumagat-Remontados.

Makakaapekto rin ito sa kanilang mga sagradong lugar, pati na sa libingan ng kanilang mga ninuno.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8173 (Indigenous People’s Rights Act) kailangang makuha muna ang malayang pagpayag ng mga katutubo bago ituloy ang programa ng pamahalaan.

Ngunit marami sa mga katutubo dito ang nagrereklamo dahil hindi raw ipinaliwanag ang proyekto sa kanila at hindi nila ito lubos na naunawaan. Hindi rin nagbigay ng kaukulang mga dokumento ang MWSS para maging gabay sa kanilang naging pasya.

Ayon sa mga pag-aaral, ang nasabing dam ay magpapabaha sa 6,214 na kabahayan sa mga barangay sa Tanay, Rizal at Gen. Nakar, Quezon.

Walang duda na ang proyektong ito ay makakasira sa mayaman nating kagubatan. Ang Kaliwa Dam ay nasa loob ng isang forest reserve batay sa Proclamation No. 573 na inaprubahan noon pang 1968. Nasa loob rin ito ng national park at forest sanctuary ayon sa Presidential Proclamation No. 1636 noong 1977.

Makakasira ito sa Sierra Madre at mga karatig-pook. Sisirain nito ang isang watershed na labag sa National Integrated Protected Areas (NIPAS) Act.

Ang nasabing dam ay makakaapekto sa 12,000 ektarya ng punong kahoy na nagsisilbing tirahan ng mahigit 300 uri ng mga ibon. Apektado rin nito ang tirahan ng North Philippine eagle, kayumangging usa, at iba pang mga madalang nating hayop at halaman.

Ang Kaliwa Dam ay magdudulot din ng pagbabago ng klima na tiyak na makakasira sa kalikasan. Batay sa pag-aaral, ang isang dam ay nagiging sanhi ng greenhouse gas emissions, lalo na ang methane. Ang methane ay tinatayang tatlumpung beses na mas malakas kaysa carbon dioxide na nagiging dahilan ng pag-init ng mundo. Hindi maitatuwa na ang pag-init ng mundo ang dagdag na sanhi ng pagkakasakit ng sangkatauhan.

Itatayo din ang Kaliwa Dam sa loob ng dalawang tectonic zone, ang Philippine Fault Zone at Valley Fault System.

Maraming malalakas na lindol ang naganap sa lugar na ito, tulad halimbawa noong 1880 na ikinasira ng mga simbahan sa Infanta at Mauban.

Ang proyektong ito ay makakadagdag din sa ating utang panlabas, kahit ito’y hindi naman kagyat na kinakailangan. Ang official development loan assistance na nakuha ng Pilipinas mula sa Tsina, sa tulong ng Export-Import Bank of China, ay makadadagdag lang sa lumolobong utang ng bansa.

Batay sa pinirmahang dokumento, kailangang mangutang ng P10.37 bilyon na may interes na 2% bawat taon, bukod pa sa P2 bilyong kukunin natin na pondo sa national treasury para sa Kaliwa Dam.

Sabi ng World Bank, hindi praktikal para sa Pilipinas na pumasok sa pagkaka-utang na ito.

Umaabot na sa USD106.4 bilyon ang utang ng bansa sa taong ito. Ang hindi pagtuloy sa Kaliwa Dam Project, kahit papaano, ay makakabawas sa nasabing utang.

Ang pag-anunsyo ng DENR na tinigil muna ECC sa paggawa ng Kaliwa Dam ay isang magandang balita. Ito ay nakamit sa pamagitan ng pagtulungan ng mga kababayan nating maka-kalikasan at iba pang sektor na tumitingin sa maayos nating kinabukasan.

Ngunit paano natin matugunan ang kawalan ng tubig na matagal nang problema sa Metro Manila ? Hindi ito matutugunan ng pagtatayo ng panibagong dam, sabi ng Haribon Foundation.

Ito ay matutugunan sa pag-aayos at pagpapabuti sa mga gawa nang dam, sa pag-aalaga ng mabuti sa mga sirang tubig-saluran, sa pag-aaral sa mga bagong teknolohiya sa pagrecycle ng tubig, at pagpapalakas ng patakaran sa pagtitipid ng tubig.

Dito na kaya magtatapos ang Kaliwa Dam? Sana nga, mga kasama. Atty. Remigio D. Saladero Jr./pinoyweekly.net

Related Articles

Palawan bishops urge mining moratorium

Palawan bishops urge mining moratorium

“We are calling for a 25-year moratorium or suspension on the approval of any mining applications and mining expansions,” the bishops said.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This