Pag-iwas ng CBCP sa maruming enerhiya, panalo ang mundo

February 2, 2022

“Hindi lahat ng regalo ay tunay na regalo.” 

Ito ang mga salita ni Obispo Pablo Virgilio David, Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa isang press conference noong Enero 29. Tinutukoy niya ang ilan sa mga natatanggap na donasyon ng ilang diocese at parokya na galing sa mga may-ari ng kumpanyang konektado sa mga aktibidad na nakasisira sa ating kalikasan, katulad ng mga coal-fired power plant at pagmimina.

Inilabas ng CBCP ang pinakabago nitong pastoral letter na tumatawag para sa pagkakaisa at aksyon bilang pagtugon sa mga krisis katulad ng pagbabago ng klima at pandemyang COVID-19. Kabilang sa mga mahalagang mensahe nito ang pagtitibay ng pambansang programa sa pagpapatupad ng mga solusyong nakahanay sa liham ni Pope Francis na Laudato Si’, pagsusulong ng karapatang pangkalikasan, at mas epektibong pamamahala sa mga isyung pangkalikasan at pangklima.

Subalit ang pinakanatatangi sa mga tawag ng pastoral letter ay ang planong pag-aalis ng mga pondo ng simbahan o divestment mula sa mga bangkong nagbibigay-suporta sa mga industriyang fossil fuel, katulad ng coal at natural gas, pagdating ng 2025, upang humanay sa mga turo ng Simbahang Katoliko pagdating sa pag-aalaga ng kapaligiran at kapakanan ng mga mamamayan.

Bakit ngayon?

Ang argumento para sa divestment ay nagiging popular sa buong mundo bilang isang hakbang upang pigilan ang paglala ng krisis sa klima. Ang pag-aalis ng pera mula sa mga nakaruruming industriya ay hindi lamang nagpapahayag ng ating pagnanais ng sustainable o likas-kayang pag-unlad at teknolohiya; isa rin itong mensahe para sa mga naturang kumpanya na tigilan na ang mga ganitong gawain.

Kasama ang mga prinsipyong ito sa mga pangunahing mensahe ng Laudato Si’, na unang inilabas noong 2015. Kabilang rin ang divestment sa 13 ekolohikal na aksyong inilatag ng CBCP sa isa pang pastoral letter noong 2019, bilang pagsuporta sa akda ni Pope Francis.

Sa kabila ng mga dokumentong ito, hindi pa tuluyang umuusad ang divestment ng mga relihiyosong organisasyon sa Pilipinas sa nakalipas na anim na taon. Sa pagsusuri ng listahan ng mga pangunahing shareholder sa anim na korporasyon na may puhunan o aktibidad na may kinalaman sa coal at pagmimina, makikitang kulang ang progreso.

Lumabas ang mga Katolikong institusyon ng 32 beses sa listahan ng mga pangunahing shareholder sa mga korporasyon, katulad ng Bank of the Philippine Islands (BPI), San Miguel Corporation, at PHILEX Mining sa pagitan ng 2015 to 2021. Lima lang sa mga organisasyong ito ang tuluyan o bahagyang nag-alis ng kanilang pera sa mga nasabing kumpanya.

Bilang halimbawa, kabilang ang Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM) sa mga pinakamalaking shareholder ng BPI. Bagama’t bumaba ang porsyentong pag-aari nito sa bangko sa 7.3% noong nakaraang taon mula sa 8.3% noong 2015, hindi nagbago ang dami ng mga shares nito.

Kahit na walang ibang Katolikong shareholder na may pag-aaring aabot sa 1% sa ano pang korporasyon maliban sa RCAM, ang kakulangan ng progreso pagdating sa divestment ay nagpapakita ng mga problema sa pagsisimula ng nasabing proseso sa Pilipinas.

Isa sa mga pangunahing dahilan ay ang kakulangan sa sapat na kaalaman at kapasidad ng mga parokya para sa divestment. Kailangang paigihin ang pagpapalaganap ng mga mensahe ng Laudato Si’ at mga balitang may kinalaman sa klima at kalikasan sa mga diocese, paaralan, at iba pa. May ilang diocese na hindi alam kung saan nagmumula ang kanilang pondo, ayon kay Obispo David.

Kailangan din ng maingat na pag-aaral ng mga posibleng kumpanya kung saan ilalagay ang pondo upang masiguro ang pinansiyal na seguridad ng mga Katolikong institusyon. Masasabing pabor pa rin ang kasalukuyang politikal at ekonomiyang polisiya sa Pilipinas para sa coal, pagmimina, at iba pang nakaruruming industriya kahit na labis ang masamang epekto sa mga Pilipino ng krisis sa klima at pandemyang COVID-19. Dahil dito, dapat asahan na hindi mabilisang proseso ang divestment, na nagpapaliwanag kung bakit sa 2025 ang deadline ng CBCP.

Ano ang susunod?

Ang mas matibay na plano ng Simbahang Katoliko ng Pilipinas na pag-aalis ng pondo nito mula sa mga fossil fuel ay isang tagumpay para sa ating pagsusulong ng aksyong pangklima at pangkalikasan, para sa kapakanan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon. Naninindigan ito kasama ang daan-daang relihiyosong organisasyon sa buong mundo, na kumakatawan sa 35% ng lahat ng pondong na-divest na aabot sa USD39.2 trilyon.

Ngunit dapat tandaang isa lamang itong hakbang sa mahabang daan upang makamit ang tunay na pag-unlad, na mas madaling sabihin kaysa gawin.

Sa mga susunod na buwan, kailangang bumuo at pagandahin ang kooperasyon ng mga Katolikong institusyon at mga eksperto sa paggawa ng likas-kayang pamumuhunan. Mahalaga ang ganitong gawain upang bigyan sila ng kapasidad sa proseso ng divestment at pumili ng kumpanya kung saan ililipat ang kanilang pondo. Ang pagtatakda ng mga konkretong target na nakahanay sa deadline na 2025 sa bawat institusyon ay maaaring makakumbinsi sa iba na sumunod.

Mahalaga rin na makipag-ugnayan ang mga lokal na diocese at Katolikong shareholder sa mga relihiyosong institusyon sa ibang bansa na nag-divest na sa mga nakaruruming industriya. Ang pagpapalaganap ng mga magagandang gawain sa pangangasiwa ng likas-kayang pagpopondo ay kailangan para sa pagpapatibay ng network ng mga indibidwal at grupong desidido sa pagsasabuhay ng mga mensahe ng Laudato Si’ at pagtugon sa mga isyung pangklima at pangkalikasan.

Katulad ng nangyari sa ExxonMobil, importante rin ang pag-iimpluwensiya ng mga Katolikong shareholder sa mga pinuno ng kanilang korporasyon, katulad ng mga Board of Directors. Dapat silang magpahayag ng kanilang pagsuporta sa mga polisiya at pamumuhunang pabor sa mas malinis na enerhiya sa mga idinaraos na kaganapan, kagaya ng Annual Shareholders Meeting. Nararapat na gamitin ng RCAM ang pagiging top shareholder nito sa BPI upang impluwensiyahan ang bangko na patibayin ang divestment nito sa mga nakaruruming industriya.

Pinupuri natin ang CBCP para sa paglalathala ng pastoral letter sa mahalagang panahon na ito sa ating kasaysayan, hindi lang dahil sa mga krisis na ating hinaharap, kundi dahil na rin sa papalapit na halalan ngayong Mayo. Nawa’y gabayan ng dokumentong ito ang ating mga lider sa pananampalataya at iba pang indibidwal at organisasyon na isabuhay ang ating responsibilidad na alagaan ang ating nag-iisang tahanan.

Si John Leo ay ang Deputy Executive Director for Programs and Campaigns ng Living Laudato Si’ Philippines. Kumakatawan siya sa lipunang sibil ng Pilipinas sa pandaigdigan at panrehiyong pagpupulong sa ilalim ng UN mula noong 2017. Isa siyang pangmamamayang mamahayag sa mga suliraning pangkalikasan at panlipunan

Related Articles

Palawan bishops urge mining moratorium

Palawan bishops urge mining moratorium

“We are calling for a 25-year moratorium or suspension on the approval of any mining applications and mining expansions,” the bishops said.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This