By Raquel Valerio, PinoyWeekly
Pagod, init, lamig at ulan ang sinuong ng mahigit 300 katutubong Dumagat-Remontado at iba pang mga residente mula sa mga lalawigan ng Rizal at Quezon patungong Malacañang upang ipahayag ang pagtutol sa Kaliwa Dam Project.
Binagtas nila ang nasa 150 kilometrong daan mula Gen. Nakar sa Quezon mula nang anim na araw mula Pebrero 15.
Mahirap at nakakapagod man ang kanilang paglalakbay, kailangan nilang gawin ito upang ipakita ang kanilang nagpapatuloy na laban para sa kanilang tahanan at kabuhayan na maaapektuhan ng itinatayong dam.
Ano ang Kaliwa Dam Project?
Taong 1970 nang unang iminungkahi ang Kaliwa Dam Project, ngunit noong 2014 lamang ito naaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa ilalim ng Public-Private Partnership ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Pautang ng Tsina ang P10.37 bilyo proyekto upang mag tayo ng 60 metrong taas na water reservoir sa Kaliwa Watershed Forest Reserve. Tinatantiya ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magluluwal ito ng 600 milyong litro ng tubig araw-araw simula Disyembre 2026.
Sa kasamaang-palad, sasakupin nito ang 291 ektaryang lupain at katabing katutubong lupain kung saan naninirahan ang may 5,000 na mga Dumagat-Remontado. Tatagos din ang 28 kilometrong conveyance tunnel na itatayo sa Tanay, Baras, Morong at Teresa sa Rizal kung saan mapapalayas ang mahigit 200 pamilya na taliwas sa ulat ng MWSS na 15 pamilya lamang.
Epekto sa mga katutubo at kalikasan
Mariing binatikos ng Stop Kaliwa Dam Network at ibang pang grupo na tutol sa proyekto ito dahil tahasan nitong nilalabag ang pamumuhay ng mga katutubong Pilipino liban pa sa panganib na dulot nito sa kabundukan ng Sierra Madre.
Ayon sa grupo, sadyang minadali ang ligal na proseso at nalabag ang isang malaya na proseso sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 o IPRA na dapat magbigay proteksyon at katawanin ang interes ng mga katutubong Pilipino. Nangangamba ang mga pamilya na bukod sa kani-kanilang tirahan ay walang kasiguraduhan sa kanilang malilipatan at kabuhayan.
Nababahala din ang mga grupong tumututol sa tuluyang pagkawasak ng biodiversity sa Sierra Madre na tirahan ng may 126 iba’t ibang species ng hayop kabilang na ang Philippine eagle, golden crowned flying fox, Philippine eagle-owl at iba pa.
Kung magpapatuloy ang konstruksiyon, posible ang paglubog ng mga kagubatan at banta sa buhay ng marami lalo na sa panahong sinasalanta ng malalakas na bagyo ang bansa dulot na rin ng pagbabago ng panahon o climate change.
Nanindigan ang mga grupo para sa mabuti at pangmatagalang proyektong magsisiguro ng inuming tubig sa milyong-milyong mga mamamayan ng Kamaynilaan na hindi magdudulot ng pinsala at panganib sa mga katutubo, mga magsasaka, mangingisda at mga kalapit na mga pamayanan.
Ilan sa mga ito ang rehabilitasyon ng mga watershed pagsasaayos ng mga nakatayong dam at iba pang water distribution facility, pagpapahigpit sa mga water conservation policy at paglalaan ng programa at pondo sa pangmatagalang solusyon sa problema ng suplay sa tubig na makakabuti para sa lahat.
Iginigiit nila ang mga proyektong ito na hindii sisira sa kagubatan at samot-saring buhay ng Sierra Madre at higit sa lahat, hindi ibabaon sa pagkakautang ang bansa.
Patuloy na konstruksyon, patuloy ang pagtutol
Sa ngayon, nasa 22% na ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam. Ayon kay MWSS Administrator Leonor Cleofas, ipagpapatuloy nila ito dahil may mga karampatang permit at memorandum of agreement sa pagitan ng mga katutubo sa mga lalawigan ng Rizal and Quezon.
Dahil dito, magpapatuloy din ang sama-samang pagtutol ng mga direktang apektado ng proyekto. Sa misa bago ang alay lakad, iniwan ni Fr. Ramil Sabillo ang mga katagang, “DAM, Diyos ang Masusunod kasi kung hindi, Dali ang Mahihirap/Mamamayan.”
Sa pamamagitan ng alay lakad, nais ipaabot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga ahensiya ng pamahalaan ang sama-samang pagtutol at pagbasura sa pagtatayo ng hindi makatao, hindi makakalikasan, at hindi makabayang dambuhalang Kaliwa Dam.
0 Comments