“Sayang ang panahon”: Mga residente ng Pola, nanawagan na mapalutang na ang lumubog na MT Princess Empress

May 15, 2023

Panulat ni Michelle Lapiz

POLA, ORIENTAL MINDORO


Bato na nabalot ng maitim na langis mula sa oil spill. Ang madumi at maitim na langis ay lubhang nakakalason para sa tao at kalikasan. Photo by Michelle Lapiz

Noong nakaraang Pebrero 28, 2023 ay lumubog ang MT Princess Empress na pagmamay-ari ng RDC Reield Marine Services sa parte ng Naujan, Oriental Mindoro dala-dala ang 800,000 litro ng langis. Isa sa kanilang mga kliyente ay ang San Miguel Corporation (SMC) na pag-aari ni Ramon Ang. 

Mahigit dalawang buwan nang hindi nakakapangisda sa Pola dahil sa tumagas na krudo na umabot na rin hanggang sa Calapan at iba pang karatig probinsya gaya ng Antique at Palawan. Naitala rin na nakarating ang oil spill sa Verde Island Passage at pinangangambahang maapektuhan ang daan-daang ektarya ng mga bakawan sa Oriental Mindoro. Marami na rin ang nagsabi na mas matindi pa ang epekto nito kaysa sa pandemyang dala ng COVID19. Kung mananatiling walang aksyon mula sa may ari ng MT Princess Empress, marahil ay aabot pa ng anim na buwan ang ganitong sitwasyon sa Pola, lalo na sa Barangay Buhay na Tubig. Sa kalkula ng lokal na pamahalaan dito, ang mga ayuda mula sa iba’t ibang ahensya ay hindi na sasapat sa pangangailangan ng mga apektadong residente. 


Nililinisan ng mga residente ang mga batong nababalot ng maitim na langis sa ilalim ng init ng araw, isang katanghalian sa Pola. Pinatitindi ng nakakasulasok na amoy ng krudo ang mataas na temperatura. Photo by Ken Rementilla

Noong kami ay nagawi ni kuya Rey, Coordinator ng Diocesan Social Action Center (DSAC) ng Pola, sa mga apektadong lugar ng oil spill, ang nasa isip namin ay makuha ang istorya ng mga artisanong mangingisda – makuha ang mga kwento nila ng kabanatan sa mga panahong ito. Ngunit ang tumambad sa amin ay ang halu-halong karanasan hindi lamang mula sa mga maliliit na mangingisda kundi pati na rin sa mga guro, senior citizens, kababaihan, at kabataan.

“Kahit mga bata dito sa amin, ayaw na sa de lata,” sabi ng isang guro na aming nakapanayam. Dagdag pa ni Teacher Enrique, “napapansin namin na ang may mga bata na tuwing recess ay hindi bumibili, ibig sabihin ay kulang po sila sa baon.” Isa sa mga naitayong mataas na paaralan, ang Pola Community College (PCC), ay kinailangang mag-suspende ng klase sa loob ng dalawang linggo dahil sa mga hamon na dala ng trahedyang ito. 

Bagamat sila ay lubos na nagpapasalamat sa mga ayudang kanilang natanggap, gusto na nilang bumalik sa kanilang dating pamumuhay na nakakapangisda at nakakain ng mga sariwang laman-dagat. Kitang-kita ang kinang sa kanilang mga mata sa tuwing mababanggit ang pangunguha nila ng sihi na nakaipit sa ilalim ng mga bato. “Malalaki na siguro ang mga sihi ngayon,” banggit ng halos lahat ng residente na aming nakausap. Marahil kung kami ay nagpunta sa Pola bago nangyari lahat nang ito, natikman din namin ang sihi na kanilang ipinagmamalaki. 


Makikita mula sa malayo ang Pola rainbow bridge at sa ilalim nito ay ang mga spill boom na inilagay  upang maiwasan ang pagtapon ng langis na makapinsala sa kalapit na bakawan. Photo by Michelle Lapiz

Ang kanilang pangingisda ay may takdang panahon lamang, ito ay dahil sa natural na malakas na alon sa kanilang lugar sa mga buwan ng Agosto hanggang Pebrero. Sakto sana ang mga panahong ito para sila ay makapangisda, tiyak rin na malaki na ang mga huli dahil sa mga buwan ng pahinga. Sabi nga ng isang kagawad mangingisda sa Buhay na Tubig, tatlong araw siyang pumapalaot para mangisda. Dumadako pa sila hanggang sa Lobo, Batangas. Sa mga buwan na sila ay nakakapangisda, kumikita sila ng 714.00 piso kada araw (mula sa datos na nabanggit ni BFAR Spokesperson, Nazario Briguera). Sana naman ho ay ayusin na nila… para itong aming barangay [Buhay na Tubig], ay maging maayos na rin ang kabuhayan, para tuloy na po ang hanapbuhay ng mga mangingisda,” hiling ni nanay Luleng. 

Bawat minuto, oras, at araw na hindi sila nakakapalaot sa tuwing kalmado ang karagatan, ay kaltas sa kanila pang-araw araw na kita. Siyang tunay na “sayang ang panahon, sayang ang [pagsisikap] ng munisipyo at kung sino pa man ang tumutulong maglinis, parang wala rin,” gaya ng sabi ni kuya Aldrin, Presidente ng Lapian ng Mangingisda sa Batohan, kung hindi pa agarang masisipsip ang langis sa lumubog na barko o mapalutang ito sa lalong madaling panahon. 

Sayang ang panahon kung walang konkreto at agarang aksyon mula sa mga salarin ng insidente na ito. Sayang ang panahon dahil kabuwanan ng kanilang pangingisda, may makakain sana sila at maibibigay sa kani-kanilang mga pamilya. Sayang ang panahon dahil may mga kabataang estudyante ang hindi na makapasok sa eskwelahan dahil ni pambaon para makapag-aral ay wala sila. Sayang ang mga dumarating na araw, dahil sa bawat araw na hindi naaalis ang barko sa ilalim ng dagat o nasisipsip ang lamang nitong krudo, ay wala rin silang pagkukunan ng kabuhayan. 


Sa kabila ng nakakaalarma’t nakakalason na amoy ng langis at mainit na temperatura, patuloy sa paglilinis ng oil spill ang isang mangingisda sa baybayin ng Buhay na Tubig. Photo by Michelle Lapiz

Matatawag pa ba itong insidente kung gayung halos ikatlong buwan na sa Mayo bente otso ngunit nananatiling lubog ang barkong MT Princess Empress; lubog ang kabuhayan sa Pola? Isang nakakalungkot na kabalintunaan – Buhay na Tubig ngunit patay ang kabuhayan. “Ang mensahe namin sa MT Princess [Empress] ay sana matulungan na nila kami… gumawa sila ng paraan para huwag na tumagas ‘yung langis, delikado na kami dito… pagkatapos ng ayuda [na ito], paano na kami?” hinaing ni nanay Flordeliza at ng kanyang kapatid na si tatay Edwin. Tuldok lamang ang desisyon na maglayag o hindi, pero ang pinsalang naidulot nito, ay bumaon’g parang pako na sinlaki ng kay Hesus – hindi lamang sa mga residente ng Pola, pero kasama na rin ang mga mamamayan sa mga bayan at probinsya na lubos na naapektuhan dahil dito. 

Sa bawat kinang sa kanilang mga mata tuwing nagbabaliktanaw sa mga likas yaman at yamang dagat na kanilang inalagaan, ay kasabay ang pagkislap nito dahil sa mga luhang hindi nila mapigilan. Kaakibat ng kanilang pasasalamat sa mga tulong na ayuda’t pinansyal na natanggap nila mula man sa simbahan, gobyerno, NGOs, mga iba’t ibang personalidad at ahensya, ay ang paniningil sa dapat naman talagang managot. 

Nagdurusa ang katubigan at kagubatan dahil sa kapabayaang ito na maaari sanang maiwasan kung sumunod lamang sa tamang proseso sa paglalayag. Kalunus-lunos na pinsalang pangkalikasan na umabot hanggang sa Verde Island Passage (VIP) at sa mga naglalakihang bakawan sa Oriental Mindoro. Sino na lamang ang haharap sa malalakas na bagyong dadaan dito sa Pilipinas?   


Naglalayag ang mga mangingisda malapit sa bakawan sa bayan ng Pola, lalawigan ng Oriental Mindoro noong Marso 4. Ang Pola ay isa sa mga bayan na naapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na oil tanker. Photo by Mark Saludes

Malinaw na direktang apektado sa pangyayaring ito ay ang tao at kalikasan, at siyang katumbas ng pagkasira ng likas yaman na dulot ng oil spill ay ang pagkasira ng mga nakagawiang buhay ng mga taga-Pola. Ngunit higit sa usaping pagtagas ng langis, ang karanasan na ito ay pruweba na ang ating pag-depende sa anumang klase ng petrolyo ay may dulot na matinding disaster. Kapahamakan sa tao at lalo na sa ating kalikasan. 

“Masasabing ang marami sa mga problema ng kasalukuyang mundo ay nagmumula sa mga gawi, na minsan ay walang malay, upang maging epistemolohikal na modelo ang pamamaraan at layunin ng agham at teknolohiya na umugit sa buhay ng mga indibidwal at mga ginagawa ng lipunan. Ang epekto ng pagtutulak ng ganitong modelo ng reyalidad sa kabuuan, pantao at panlipunan, ay nakikita sa pagkasira ng kalikasan, ngunit ito’y isang tanda ng reduksyonismo na nakaapekto sa bawat aspeto ng pamumuhay ng tao at ng lipunan. Dapat nating tanggapin na ang produktong teknolohikal ay hindi walang kinikilingan, pagkat lumikha sila ng balangkas na humantong sa pag-aayos ng pamumuhay at umugit ng panlipunang posibilidad sa hanay na dinidiktahan ng interes ng ilang grupong makapangyarihan. Ang mga desisyong tila lubos na nakatutulong, sa katunayan, ay desisyon tungkol sa uri ng lipunang nais nating buuin.” (Laudato Si’ par. 107)

Kaya naman ang tuloy ang panawagan na magbigay and kumpanyang sanhi nitong oil spill ng sapat na ayuda at bayad sa bawat araw na wala silang trabaho. Dagdag pa ang apela ng mga ng mga apektadong mamamayan, kasama na ang hanay ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, ay ang apurahang pagsipsip sa natitirang langis sa ilalim ng dagat o di kaya nama’y ang mabilisang pagpapalutang sa nasabing barko. Panawagan at kanilang panalangin na tulungan sila ng RDC Reield Marine Services sa muling pagtindig para sa kanilang kinabukasan. 

Kailan ba nila ito tutugunan?

Related Articles

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This