Sa nakalipas na dalawang taon, nakatuon ang atensyon ng buong mundo as pandemyang COVID-19. Pero palaging may mas malaking peligrong nakaabang sa atin.
Noong 28 Pebrero, muling nagpaalaala ang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) sa tindi ng banta ng krisis sa klima, sa paglalabas ng panibagong ulat sa mga epekto, adaptasyon, at pagkabulnerable sa naturang suliranin.
Sa paninirahan sa isa sa mga pinakabulnerableng bansa, ilang beses nang naranasan ng mga Pilipino ang bangis ng klimang nababago dahil sa aktibidad ng mga tao, sa pamamagitan ng mga bagyo, tagtuyot, at iba pang sakuna. Ngunit upang ating maiwasan ang mas mataas na kawalan at kasiraan sa hinaharap, kailangan nating maintindihan kung gaano katindi ang pagkasirang naidudulot ng krisis na ito.
Base sa nasabing ulat, ito ang tatlong konkretong epekto ng krisis sa klima na mas malala pa sa mga epektong sanhi ng pandemyang COVID-19.
Kalusugan
Huwag kalilimutang ang krisis sa klima ay hindi lamang tungkol sa mga disaster. Ayon sa ulat ng IPCC, magdudulot ng mas maraming pagkasawi at pagkasakit ang mas mataas na temperatura. Sa pagbabago ng mga pattern sa temperatura at pag-ulan, maaaring tumaas ang mga kaso ng iba’t ibang uri ng sakit, tulad ng dengue at malaria.
Dapat tayong mabahala na ang zoonoses, o mga nakahahawang sakit na nanggagaling sa hayop papunta sa mga tao, ay lumalabas sa ilang bahagi ng mundo dahil sa pagbabago ng klima. Sa madaling sabi, may tsansang magkakaroon ang mundo ng isang sitwasyong katulad ng pandemyang COVID-19.
Isa sa mga pinakamahalagang isyung lumitaw dahil sa pandemya ay ang kahalagahan ng mental health para sa ating lipunan. Ayon sa ulat, maaaring maiugnay ang mental health sa mga epekto ng pagbabago ng klima, kagaya ng mas mainit na kapaligiran, trauma mula sa mga bagyo at katulad na sakuna, at pagkawala ng kabuhayan at kultura.
Nangyari ang lahat ng ito sa mundong mas mainit ng 1°C. Sa mas mataas na pandaigdigang pag-init, tumataas din ang panganib na maidudulot ng nasabing krisis sa ating kalusugan at iba pang aspeto ng ating pamumuhay.
Halimbawa, tumataas ang panganib na dala ng dengue sa pamamagitan ng pagbabago ng panahon at mas malawak na mga maaapektuhan rehiyon, kasama na ang Pilipinas; hindi lamang milyon, kundi ilang bilyong tao ang nailalagay sa alanganin pagdating ng 2100. Ang mga problemang kaugnay sa mental health na naging pamilyar sa atin dahil sa pandemya, katulad ng anxiety at stress, ay posible ring dumami dulot ng pag-init, lalo na ang mga bulnerableng sektor tulad ng kabataan, mga matatanda, at mga taong mayroong medikal na kondisyon.
Kalikasan
Mahalagang matutunan dahil sa pandemya na kailangan ang malusog na kalikasan para sa malusog na lipunan. Kung hindi natin iingatan ang ating kalikasan, kung saan nagmumula ang lahat ng ating kailangan para sa ating ekonomiya, hihina ang ating kapasidad na mamuhay nang masagana at mapayapa.
Sa kasalukuyan, higit sa tatlong bilyong tao ang maituturing na nasa matinding panganib sa pagbabago ng klima, kabilang ang mga mahihirap at katutubo. Mas maraming hayop at halaman din ang nagiging bulnerable sa mga epekto nito. Dapat ka bang magulat na ang Pilipinas, isa sa mga biodiversity hotspot na may mahinang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan at may isang-kapat na populasyong naninirahan sa kahirapan, ay isa sa mga pinakananganganib sa krisis sa klima?
Batay sa ulat nito, ipinakita ng IPCC na maraming bahagi ng ating kalikasan ang malapit nang hindi kayanin ang mag-angkop sa nagbabago nilang kapaligiran, mula sa mas mataas na temperatura hanggang sa mas nakalalasong karagatan. Kabilang dito ang maraming coral reef, coastal wetland, at kagubatan, na matatagpuan din sa Pilipinas. Kung aabot sa 3°C ang pandaigdigang pag-init, tataas nang hanggang 10 beses ang posibilidad na tuluyang maglaho ang ilang endemic species ng hayop at halaman.
Sa 1.5°C na pag-init, hihina ang bisa ng mga solusyong pang-adaptasyon na nakadepende sa ating kalikasan, at magkakaroon ng kakulangan sa supply ng inuming tubig sa mga nakatira sa maliit na isla. Sa 2°C, nasa matinding alanganin ang maraming karaniwang pananim sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Sa 3°C, hindi na sapat ang maraming stratehiya sa pangangasiwa sa supply ng tubig.
Likas-kayang pag-unlad
Hindi lamang krisis sa kalusugan at kapaligiran ang pandemyang COVID-19; pinabagal o itinigil din nito ang pag-unlad ng ekonomiya ng halos lahat ng bansa sa nakalipas na dalawang taon. Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit bumagsak ang ating ekonomiya, na pinakamalala mula ng magtapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa nakalipas na dalawang taon, ating paulit-ulit na naobserbahan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kakulangan sa supply ng ilang produkto, at pagsasara ng maraming negosyo.
Matindi ang naging epekto ng mga nasabing pangyayari sa maraming Pilipino, kaya dapat tayong mabahala na higit pa sa ating nararanasan ang mga epekto ng krisis sa klima sa ating pagkamit ng likas-kayang kaunlaran. Ayon sa ulat ng IPCC, lumiliit ang ating pagkakataong maabot ito.
Nakadepende ito sa mga sumusunod na salik: hindi pagkakapantay-pantay ng maraming sektor; pagkakaroon ng mga likas-yaman, pagiging bulnerable, kultura, at pinahahalagahang bagay; mga polisiya at programang may kinalaman sa pagbubuga ng polusyon sa ating kapaligiran. Tandaang maaapektuhan ng krisis sa klima ang bawat isa sa mga naturang salik.
Dapat nating maunawaan na sinisimulan o pinabibilis ng krisis sa klima ang pagkasira ng ating kalikasan, kung saan nagmumula ang lahat ng ating pangangailangan. Aabot sa 80% ng mga target sa ilalim ng 17 United Nations Sustainable Development Goals ang maaaring hindi makamit dahil dito.
Ang bagong ulat ng IPCC ay isa na namang panawagan sa atin upang imulat ang mga mata at makitang hindi na dapat nating naisin ang normal na ating kinalakihan. Kung naiisip niyong mahirap na ang “bagong normal” na ibinunga ng pandemyang COVID-19, higit pang mas malala ang normal na idudulot ng krisis sa klima kung wala tayong agaran at mapagpapasyahang mga solusyon.
Bakit dapat pa nating hintayin kung ano ang itsura ng kinabukasang ito?
Si John Leo ang Deputy Executive Director for Programs and Campaigns ng Living Laudato Si’ Philippines, at miyembro ng interim Secretariat ng Aksyon Klima Pilipinas. Isa rin siya sa mga reviewers ng IPCC Working Group II Sixth Assessment Report.
0 Comments