Natuto na ba tayo sa nakaraang El Niño?

May 2, 2023

Posibleng maging pinakamainit na taon ang 2023. 

Ating nararamdaman sa kasalukuyan ang mainit na temperatura dala ng global warming, ngunit posible pang may matinding darating sa mga susunod na buwan. 

Nananatiling pinakamainit sa modernong kasaysayan ang taong 2016, kung kailan may dumating na matinding El Niño. Nakatatak pa rin sa isipan ng maraming Pilipino ang mga epekto nito, lalo na ang mga magsasaka. At hindi dapat ito makalimutan.

Bilang paghahanda, nag-anunsyo ang pamahalaan ng plano upang agapan ang mga posibleng epekto nito sa sektor ng agrikultura at ang produksyon nito.

Dapat sagutin ang tanong na ito: paano maipapakita ng Pilipinas na natuto na ito sa kawalan at pinsalang idinulot ng 2016 El Niño?

Ano ang nangyari noon?

Mayroong naganap na El Niño noong 2018-19, ngunit itinuturing itong mahina. Dapat pag-aralan ng pamahalaan ang nangyari noong 2016 na matindi ang naging epekto.

Nagdulot ito ng tagtuyot at nagresulta sa halagang PHP15.2 bilyon na pinsala, na aabot sa 556 libong ektarya ng lupa. Maraming lalawigan, lunsod, at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity. Labing-isa sa 15 na pinakaapektadong probinsya ay nasa Mindanao.

Naganap sa isa sa mga lalawigang ito, North Catabato, ang insidente sa Kidapawan, kung saan natapos ang protesta ng 500 magsasaka sa harapan ng National Food Authority Office sa karahasan. Nagresulta ito sa pagkamatay ng tatlong tao at 116 na sugatan.

Kabilang sa hinaing ng mga nagprotesta ang pagbabahagi ng mgs sako ng bigas at iba pang tulong mula sa pamahalaang panlalawigan, ngunit hindi ito nangyari dala ng mga patakaran sa noo’y panahon ng eleksyon. Kahit na walang halalang mangyayari sa mga susunod na buwan, isa itong halimbawa kung bakit dapat suriin ang mga proseso sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong komunidad sa panahon ng kalamidad.

Nagdulot rin ang tagtuyot ng problema sa suplay ng tubig na nakaapekto sa maraming sektor. Naging karaniwang suliranin ang kakulangan ng sapat at malinis na tubig sa maraming barangay. Nagkaroon din ng problema sa suplay ng kuryente sa mga lugar na nakadepende sa hydropower, lalo na sa Mindanao.

Ang 2015-16 El Niño at ang idinulot nitong tagtuyot ay maaaring ituring na pinakakilalang halimbawa ng tinatawag na slow onset event. Taliwas sa mga sudden onset event katulad ng mga bagyo, hindi madalas o mabilis ang pagdating ng mga slow onset event, pero posibleng mas matindi ang epekto nito. Ipinapakita ng naturang krisis na may kakulangan ang pamahalaan noon sa kapasidad sa pagpapatupad ng mga polisiya at programa laban sa mga lumitaw na problema.

Nakaaalarma na marami sa mga nasabing problema, kagaya ng seguridad sa pagkain at tubig, suplay ng kuryente, at ang kalagayan ng sektor ng agrikultura, ay nananatiling mga pangunahing suliraning ngayon. Isa itong indikasyon ng pagkabigo ng nakalipas na administrasyon sa pagpapatupad ng mga pangmatagalang solusyon, agapan ang paglala ng kahirapan, at pausbungin ang ating pagkamit ng likas-kayang kaunlaran. Ito ang pagkakamaling hindi dapat ulitin ng kasalukuyang liderato. 

Natuto na ba tayo?

Inilahad ng Department of Agriculture ang plano nito upang rumesponde sa El Niño, katulad ng paggamit ng alternate wetting and drying, mga proyektong pang-irigasyon, cloud seeding, at pagtatakda ng irigasyon. Ang paggamit ng mga pananim na kayang tumubo sa kabila ng tagtuyot, organic fertilizer, at paglipat ng kalendaryo sa pagtatanim ay ilan pa sa mga hakbang sa pagsisiguro ng sapat na produksyon sa mga susunod na buwan.

Ito ay mga importanteng gawain upang protektahan ang sektor ng agrikultura, ngunit posible rin na kulang pa ang ganitong istratehiya. Dapat magpasa ng mga reporma sa kasalukuyang patakaran sa pamamahalang pangklima at laban sa mga disaster upang limitahan ang pinsalang idudulot ng parating na El Niño.

Upang mas maayos na matugunan ang hinaing ng mga magsasaka, dapat gawing mas madaling magamit ang mga posibleng pagkuhanan ng pondo. Makatutulong ito sa mas agarang pagbubuo at pagbabahagi ng pondo upang maiwasan ang mga insidenteng katulad ng nangyari sa Kidapawan.  

Bilang halimbawa, dapat baguhin ang mga patakaran sa paggamit ng Quick Response Fund, na karaniwang ginagamit sa pagresponde pagkatapos ng disaster, upang maggamit ito sa pagtugon sa mga slow onset event. Maaari rin itong ipatupad pagdating sa People’s Survival Fund, na binuo upang palakasin ang kapasidad ng mga komunidad para sa adaptasyon ngunit hindi masyadong nagagamit.

Nararapat ring ayusin ang koordinasyon sa pagitan ng mga nasyonal at lokal na ahensya ng pamahalaan upang maiwasan o mabawasan ang potensyal na kawalan at pinsala. Bilang halimbawa, maaaring bigyan ng kapangyarihan ang mga naturang awtoridad na magdeklara ng state of imminent calamity upang masimulan ang pagpapatupad ng mga hakbang upang limitahan ang pagkasira ng mga pananim at bawasan ang pagkabulnerable ng mga nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura.

Dapat ding pasiglahin ang sektor ng agham pangklima at pang-disaster sa Pilipinas, lalo na sa nibel ng mga pamayanan. Kasama dapat sa plano ng Department of Agriculture ang pagsisiguro na angkop sa partikular na komunidad ang nakaplanong solusyon, sa tulong ng PAGASA, mga lokal na opisyal at eksperto, at mga residente.

Pagdating sa pagbabawas na panganib na hinaharap ng mga komunidad, mahalaga ang papel ng pagsasalin ng mga pag-aaral at pag-uulat kung paano naaapektuhan ng pagbabago sa temperatura at pag-ulan ang agrikultura at hydropower sa lokal na konteksto. Hindi dapat kalimutan ang pag-uulat at edukasyon sa mga residente, lalo na ang mga pinakabulnerable katulad ng mga magsasaka, tungkol sa mga naturang datos upang bawasan ang kawalan at pinsala.

Pagdating sa krisis sa klima, walang mas masaklap na kabalintunaan kaysa sa magsasakang nagpapakain sa buong bansa ngunit sila mismo ang walang makain. Kung kailan nagiging mas maliwanag sa bawat Pilipino ang suliraning ito, kaya ba nating iwasang maging realidad ang nasabing kabalintunaan?

John Leo is the Deputy Executive Director for Programs and Campaigns of Living Laudato Si’ Philippines and a member of Aksyon Klima Pilipinas and the Youth Advisory Group for Environmental and Climate Justice under the UNDP in Asia and the Pacific. He is a climate and environment journalist since 2016.

Related Articles

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This