LAUDATO SI ACTION PLATFORM: PARA SAAN ITO?

January 25, 2022

Makalipas ang ilang taon matapos mailathala ang encyclical letter ni Papa Francisco na Laudato Si’, ikinatuwa ito ng marami lalo na ng mga nasa environmental sector. Marahil sa pagbibigay nang kakaunting atensyon ng mga Katoliko sa pagpapahalaga sa kalikasan. Kung tutuusin, ang pagbibigay halaga sa kapaligiran ay isa sa mga pangunahing tema ng sa Catholic Social Teachings, ngunit ang mga pagkilos at gawain sa Simbahan na may kinalaman dito ay hindi masyado nabibigyan ng karapat-dapat na atensyon.

Nakakalungkot, na matapos ang ilang taon, marami pa rin sa mga Katoliko ang hindi lubos na nakakaunawa kung ano ba ang nilalaman ng Laudato Si’. minsan nga mismong mga aktibong mga Katoliko pa ang walang sapat na kaalaman tungkol dito. 

Nitong nakaraang buwan lang, isang grupo ng ecology volunteers ang nag-imbita para magbigay ng leksyon tungkol sa Laudato Si’. Aniya, hindi lahat sa kanilang nasasakupan ay nakakaalam kung ano ang Laudato Si’. Ang kagandahan sa mga volunteers na nakausap ko ay ang kanilang determinasyon upang isakatuparan ang mga layunin ng Laudato Si’, ngunit sa kabilang banda, isang programa ng Simbahan ang hindi pa nila naririnig na magpapatibay sa kanilang mga ecological projects. Ito ang tinatawag na Laudato Si’ Action Platform o LSAP.

Ang LSAP ay isang programa na ginawa ng Simbahan, sa pangunguna ng Dicastery for the Promotion of Integral Human Development, sa ilalim ng ecology sector. 

Layunin nito na manawagan sa mga institusyon at mga sektor ng Simbahan na gumawa ng plano at isakatuparan ang mensahe ng Laudato Si’ sa susunod na pitong taon.

Nagsimula itong ianunsyo ng Vaticano noong 2020, at inilunsad noong nakaraang taon. Lahat ng inaanyayahan ay kinakailangan magpa-rehistro sa LSAP website kung saan isususmite ang kanilang mga napag-isipan at mga pinag planuhan na proyekto para sa kanilang kapaligiran. 

Ang LSAP ay nagbibigay ng mga gabay sa mga naka-rehistro, at sa loob ng pitong taon ay kinakailangan na gampanan ang mga plano na isinumite.

Si Ian, isa sa mga masigasig na ecology volunteer ang natuwa sa LSAP, ngunit ang kaniyang tanong ay, “Paano ito ipapaintindi sa tao?” 

Sa tanong na ito ay makikita na hindi natatapos sa pag banggit kung ano ang LSAP, dapat din na maipaunawa ang LSAP, hindi lamang sa iilang grupo, kundi maging sa mga ordinaryong tao.

Sa aking pagpapaliwanag tungkol sa LSAP, ibinahagi ko ito sa paghahambing sa pagluluto ng pagkain para sa mga parating na panauhin. 

Dahil sa mga bibisita sa isang birthday occasion, nagbilin ang mga magulang mo na ipagluto ng handa ang mga panauhin. Ang habilin ay panawagan na magluto ng mga handa, ang layunin nito ay para mapakain ang mga panauhin. Bago ito, kinakailangan pagplanuhan kung anu-ano ang mga handa na lulutuin, at dahil ikaw ay magluluto, kailangan mo ng instrument para sa iyong mga handa, ito ang kusina. 

Sa salaysay na ito, ay may apat na bahagi, panawagan, layunin, plano, at instrument. Sa isang banda, ang LSAP ay maaaring ipaliwanag sa apat na hakbang na nabanggit. 

Una, Ang Laudato Si’ ay isang dokumento na sinulat ng Santo Papa para ipanawagan ang pagpapahalaga sa Kalikasan. 

Pangalawa, ang Laudato Si’ ay may pitong pangunahing layunin. 

Pangatlo, upang makamit ang layunin na ito, kinakailangan pag-planuhan. 

Pang-apat, ang LSAP ay isang instrumento para gumawa ng plano, humingi ng tulong at gabay upang makamit ang mga layunin ng Laudato Si’ ayon sa plano na ginawa. 

Sa kasalukuyan, tinatayang aabot na sa libo libong mga institusyon ng Simbahan ang nakapagpatala na sa LSAP, nangunguna dito ang mga taga-Europa samantalang kakaunti pa lamang ang mga naka-rehistro mula sa Asya. 

Palagay ko’y isang napakagandang adhikain mayroon ang LSAP, ramdam mo ang mausisang pagkilos ng Santo Papa para matugunan ang mga isyu na kinakaharap ng sanilikha. Hindi niya tinapos ang panawagan sa pagsusulat ng Laudato Si’, ginawan pa niya ng plataporma ang mga Katoliko upang pagmunihan, gawan ng plano, at pagtulungan na ipagtanggol ang kalikasan.

Sa kabilang banda, marapat na sa mga taong simbahan ang manguna sa pagpapakilala at pagtataguyod ng hangarin ng Santo Papa na ipalaganap ang pakikilahok sa LSAP. Dito inaanyayahan ang mga sektor ng mga pamilyang Kristiyano, mga pamantasan o paaralan, ang mga negosyante, institusyong pangkalusugan, mga diyosesis at parokya,  mga kapisanang panrelihiyon, kasama dito ang mga institusyong pang-komunikasyon o media at ang mga sektor ng mga relihiyoso at relihiyosa.

Kung ang pitong sektor ng Simbahan na nabanggit ay magtutulong-tulong at makilahok, malaki ang magagampanan natin para mabigyang pansin ang mga isyu gaya ng climate change, mining, mga enerhiya na dala ng fossil fuel at coal at iba pang kinakaharap ng kalikasan. 

Sabi nga ni Papa Frasisko sa Laudato Si’, “Bilang Kristyano, tinawag din tayo upang tanggapin ang mundo bilang sakramento ng pakikipisan,,” kung saan aniya, ito ay magiging paraan ng “Pagbabahagi sa Diyos at sa ating mga kapitbahayan sa pandaigdigang antas.” (Laudato Si’ tal. 9)

Related Articles

Palawan bishops urge mining moratorium

Palawan bishops urge mining moratorium

“We are calling for a 25-year moratorium or suspension on the approval of any mining applications and mining expansions,” the bishops said.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This